Kumbinsido si National Security Adviser Hermogenes Esperon na maaaring gawing basehan para magpadala ng note verbale sa China ang naging “challenge” nito sa C-130 cargo plane na sinakyan ng grupo ni Defense Sec. Delfin Lorenzana patungong Pag-asa Island.
Ayon kay Esperon, may mga umiiral na protocol sa ganitong sitwasyon at kung masama o hindi tama ang babala ng Chinese military sa Philippine aircraft, maaari itong maging basehan ng note verbale o diplomatic note.
Samantala, minaliit ni dating Pangulong Fidel Ramos ang umano’y pangha-harass ng Chinese military sa grupo ni Defense Secretary Delfin Lorenzana.
Matatandaang apat na beses nang nagpadala ng radio message ang Chinese military para itaboy ang C-130 cargo plane na kinalululanan ni Lorenzana, ilang military officials at miyembro ng Defense Press Corps.
Ayon kay Ramos, hindi dapat kalimutang eksperto sa diplomasya ang mga Chinese kaya hindi counterpart ni Lorenzana ang nagsalita, kundi isang minor junior spokesman para madali lamang itong itanggi ng Beijing.
“Do not forget that the Chinese are experts in diplomacy but also double speaking. It is not the counterpart of Secretary Lorenzana or the defense minister of China speaking but a minor junior spokesman. That’s the way they are, that’s what we call…deniability,” ani Ramos.
Kasabay nito, kinampihan ni Ramos si dating Pangulong Noynoy Aquino sa paghahain noon ng kaso laban sa China sa arbitral tribunal.
Ito ay matapos sisihin ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang naging desisyon ni Aquino sa paglala ng tensiyon sa China at pagtatayo ng istruktura sa West Philippine Sea. (Beth Camia)