SA University of the Philippines, isa nang tradisyon na ang bawat nahalal na Pangulo ng bansa ay pinagkakalooban honorary Doctorate Degree honoris causa (honorary doctor of laws). Ang nangunguna sa pagkakaloob ng Doctorate Degree ay ang mga bumubuo ng UP Board of Regents. Kapag napagkalooban ng Doctorate Degree ang isang pangulo o ang isang tao, tatawagin na siyang DOKTOR. Sa unahan ng kanyang pangalan ay may nakasulat na “DR.” kahit hindi siya doktor ng medisina ng pigsa o kulugo at doktor ng nasugatang manok sa sabong.

Nang lumabas ang balita at impormasyon, isa sa mga unang umalma at kumontra sa pagkakaloob ng Doctorate Degree kay Pangulong Rodrigo Duterte ay si Atty. Teodore Te, ang tagapagsalita ng Korte Suprema, at sinabing hindi karapat-dapat ang pagkakaloob sa isang nanghihikayat ng pagpatay at lumalabag sa batas.

Sinabi pa ni Atty. Te na personal ang kanyang pahayag ng pagtutol at hindi bilang tagapagsalita ng Korte Suprema kundi bilang isang taxpayer at isang dating faculty member ng UP.

Matindi rin ang pagtutol ng mga estudyante sa UP, mga guro at mga alumni sa balak na pagkakaloob ng Doctorate Degree kay Pangulong Duterte. May nagsabing sa halip pagkalooban ng doctorate degree ang Pangulo ay dapat siyang panagutin sa libu-libong extrajudicial killing.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ang kontrobersiya sa balak na pagkakaloob ng Doctorate Degree ay agad tinapos ni Pangulong Duterte sa pagsasabing tinatanggihan niya ang planong pagkakaloob sa kanya ng award. Sabi pa ng Pangulo sa pagsasalita niya sa harap ng mga reporter sa Bohol nitong Abril 19, bahagi ng kanyang patakaran na tanggihan ang mga award o parangal na ipagkakaloob sa kanya. Ayon pa sa Pangulo: “With due respect to the University of the Philippines. I do not accept even when I was mayor. And a matter of personal and official policy, I do not accept awards It’s not in my nature”.

Ayon naman kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, ang pag-alma ng mga mag-aaral at iba pa nating kababayan sa pagkakaloob ng Doctorate Degree sa Pangulo ay inaasahan na. Wala siyang nakikitang dahilan upang tanggihan ng Pangulo ang ipagkakaloob na Doctorate Degree kahit alam niya na hindi kailangan ng Presidente ang mga parangal.

Sa pahayag naman ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Pañelo, walang dahilan upang tutulan ang balak ng University of the Philippines sapagkat wala pang napatutunayan laban kay Pangulong Duterte. Ang mga paraan na paglabag sa human rights ay nananatili pa ring mga paratang. Walang basehan ang mga kumokontra at nagpaparatang sa Pangulo.

Ayon naman sa pahayag ng anak ng Pangulo na si Davao City Vice Mayor Paolo Duterte, ang kanyang ama “does not give a heck with an ‘honorary degree’ because he knows he did not work for such a degree.”

Ang pagkakahalal sa kanyang ama bilang Pangulo ng Pilipinas, ayon pa kay Vice Mayor Duterte, ay isa nang ganap na pagkilala. Walang iba pang pagkilala o honorary degree ang maaaring makadadaig sa pagiging Pangulo. (Clemen Bautista)