NAGULAT, natuwa at may sumigaw nang ipakita sa teaser ng Encantadia si Marian Rivera. Excited na ang lahat ng Encantadiks na muling masilayan at mapanood si Marian na gumaganap bilang si Reyna Mine-a sa fantaserye ng Siyete.
Unang lalabas si Marian bilang si Reyna Mine-a next week. Susunod na siguro si Dingdong Dantes na babalik din bilang si Raquim.
Sa Instagram (IG) story ni Marian, ipinakita ang behind-the-scene footages habang nasa taping siya. Nag-worry lang ang mga nakapanood ng kanyang IG story dahil hindi pang-Reyna Mine-a ang costume niya, parang pandigma ang kanyang suot.
Naisip tuloy ng Encantadiks na baka ipapain ni Ether si Mine-a para kalabanin ang mga Sang’gre na sariling mga anak niya. Ang lungkot daw kung sa pagbabalik ni Reyna Mine-a, hindi niya matutulungan ang mga anak sa pagtatanggol sa Lireo kundi kakalabanin pa.
Anyway, malalaman kung bakit nakasuot ng pandigma si Mine-a kapag ipinalabas na ang mga eksena niya sa kanyang pagbabalik sa Encantadia. (NITZ MIRALLES)