Sugatan ang bise alkalde ng Maguindanao, ang ama niyang dating mayor at anim na iba pa makaraang hagisan ang mga ito ng granada pagkalabas sa sinambahang mosque sa Barangay Poblacion sa Talayan, Maguindanao nitong Biyernes ng hapon.
Isa lamang sa dalawang inihagis na granada ang sumabog, at ikinasugat ito nina Datu Angal Vice Mayor Nathaniel Midtimbang, dating Talayan Mayor Datu Ali Midtimbang, Rashid Midtimbang, pamangkin ng bise alkalde; Datumanong Mopac, chairman ng Bgy. Poblacion; Manap Balumol; Jimmy Abdulrahman, at dalawang iba pa.
Sinabi kahapon ni Senior Supt. Agustin Tello, director ng Maguindanao Police Provincial Office (MPPO), na hindi pa matukoy ang pangalan ng mga suspek sa pambobomba sa labas ng Golden Mosque sa Bgy. Poblacion sa Talayan, dakong 1:15 ng hapon.
Ayon kay Tello, palabas ang mga biktima sa mosque matapos sumamba nang biglang sumulpot ang dalawang suspek na nakasakay sa motorsiklo at naghagis ng granada.
Hindi pa malinaw sa awtoridad ang motibo sa pambobomba, bagamat sinisilip na anggulo ang away-pamilya.
(Fer Taboy at Leo Diaz)