CAMP RAFAEL C. RODRIGUEZ, Butuan City – Sinibak sa puwesto ang hepe ng Cabadbaran City Police at 42 niyang tauhan dahil umano sa kabiguang maresolba ang sunud-sunod na patayan sa siyudad sa Agusan del Norte, nabatid kahapon.

Ang pagkakasibak sa mga pulis-Cabadbaran ay dahil sa serye ng pagpatay ng mga riding-in-tandem sa lungsod.

Ang mga sinibak ay mula sa operation, investigation, at intelligence divisions, at beat patrols ng Cabadbaran City Police.

Ang ilan sa mga kasong ito ay iniulat na may kinalaman sa droga, habang iniimbestigahan pa ang ilan.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Isang pulis ang huling nabiktima ng riding-in-tandem nitong Abril 16, bukod pa sa isang babaeng civil engineer nitong Abril 12. Gayunman, ang magkahiwalay na pagpatay na ito ay hindi pa matukoy kung may kinalaman sa droga.

“We are very serious in our mandated task and every officers and men under PRO 13 must double their effort to maintain peace and order and safety of every citizen,” sinabi ni Agusan del Norte Police Provincial Office (PPO) Director Senior Supt. Ernesto Tendero sa panayam ng may akda.

Aniya, ang 43 sinibak na pulis-Cabadbaran, kabilang ang hepeng si Supt. Reynaldo Acosta, ay ililipat sa ibang munisipalidad sa lalawigan.

Si Chief Insp. Glenn Sampaga ang pumalit kay Acosta bilang officer-in-charge ng Cabadbaran City Police.

(Mike U. Crismundo)