KAPANALIG, marami sa ating kabataan ang hindi nabibigyan ng pagkakataon na matamasa ang benepisyo ng early childhood education. Napakahalaga nito dahil tinutulungan nito ang mga bata na mas maging handa sa pormal na pag-aaral.

Ayon nga sa United Nations Children’s Fund (UNICEF), sobrang kaunti ng pumapasok sa preschool, lalo na sa hanay ng maralita. Sayang ang nawawalang pagkakataon na ito dahil malaki ang kontribusyon ng preschool sa emotional at social development ng bata. Base sa pag-aaral ng UNICEF, karamihan sa uma-attend ng preschool ay mula sa richest 20 porsiyento ng populasyon.

Sa Asya at Pasipiko, tinatayang nasa 34% lamang ng batang nasa edad 36-59 buwan ang pumapasok sa early childhood education. Sa ating bansa naman, 78 lamang sa 100 pumapasok na Grade 1 student ang dumadaan sa kindergarten. May 25% din na anim na taong gulang ang nasa kinder, kahit na anim na taon ang opisyal na edad para sa Grade 1.

Maraming bata sa ating bayan ang hindi agad nakakapag-kinder dahil sa kahirapan. Lalo na sa rural areas na maraming bata ang hindi nabibigyan ng pagkakataon na makapag-kinder o kahit ano mang preschool education. Marami ring barangay ang kulang sa pasilidad o workforce para sa paglalatag ng preschool education. Hindi na nila ito napagtutuunan ng pansin dahil maski ang barangay ay mahirap din. Marami sa kanila, siyempre, uunahin na lamang ang mga serbisyong pangkalusugan o seguridad.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Marami ring bata sa ating bansa ang hindi nakakapag-preschool dahil sa disabilities. Kulang ang ating pasilidad o kawani na maaaring matugunan ang mga pangangailangan ng mga handicapped na bata. Maliban dito, hirap din ang mga handicapped na bata na makalabas mula sa sarili nilang tahahan at pamayanan.

Ang armed conflict din ay malaking balakid sa preschool education ng mga bata. Takot at displacement ang dala ng mga kaguluhang gaya nito, kaya hindi na lamang pinagki-kinder ang mga bata.

Ang mga hadlang na ito ay malalampasan kung ang pamahalaan, komunidad, at pamilya ay magkakaisa upang isulong ang early childhood education. Ang pamahalaan, ma-palokal o nasyonal, ay kailangang maglaan ng pondo upang masiguro na lahat ng bata ay may pagkakataon na makapasok ng early childhood education. Ang mga pamilya naman at komunidad ay kailangan yakapin at itaguyod ang early childhood education upang ang mga bata ay magkaroon ng “fighting chance” sa buhay. Mas handa ang mga bata at mas may kakayahan na suungin at tapusin ang kanilang pag-aaral kung susuportahan natin ang kanilang edukasyon mula sa kanilang kamusmusan hanggang matapos nila ang kanilang kurso.

Hiramin natin ang payo mula sa “Forming Consciences for Faithful Citizenship” at sana ay ituro tayo nito sa tamang daan – Lahat tayo ay may karapatan na makatanggap ng dekalidad na edukasyon. Ang mga bata, kasama ang mga maralita at may kapansanan, ay kailangang magkaroon ng oportunidad na maisulong ang kanilang kaganapan bilang tao.

(Fr. Anton Pascual)