Wala talagang magandang idudulot ang panlalaban.

Nalagutan ng hininga ang dalawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga nang manlaban sa buy-bust operation sa Quiapo, Maynila kamakalawa.

Kinilala ang mga nasawi na sina Nazzer Guito, alyas “Nash”, nasa edad 35-40; at alyas “Kulot” , nasa hustong gulang, kapwa nakatira sa isang barung-barong sa Cambodia Alley, Arlegui Street, sa Quiapo.

Sa imbestigasyon ni SPO1 Donald Panaligan, ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, bandang 8:45 ng umaga isinagawa ang buy-bust operation.

National

Amihan, shear line, magpapaulan sa malaking bahagi ng PH

Una rito, nakarating sa mga pulis ng MPD-Station 3 ang tungkol sa ilegal na aktibidad ng mga suspek kaya agad ikinasa ang operasyon.

Si PO3 Gener Paguyo ang nagsilbing poseur buyer ngunit sa kasagsagan ng transaksiyon ay nakahalata ang mga suspek na pulis ang kanilang kaharap at bumunot ng baril si Guito hanggang sa pinaputukan ang awtoridad.

Hindi na nakatiis si PO3 Juanito Arabejo kaya pinaputukan niya si Guito at napatay.

Narinig naman ni Kulot ang putukan kaya tinulungan niya si Guito at tinangka rin umanong paputukan ang mga suspek na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Nakumpiska ang walong pakete ng shabu at dalawang kalibre .38 na baril. (Mary Ann Santiago)