Pansamantalang pinalaya ang high-ranking official na inaresto sa pot session sa Las Piñas City noong nakaraang buwan, matapos magpiyansa ng P240,000 nitong Biyernes, kinumpirma ng Southern Police District (SPD).

Ayon kay Chief Superintendent Tomas Apolinario, Jr., SPD director, pansamantalang pinalaya si Supt. Lito Cabamongan, dating hepe ng SPD Crime Laboratory Service-Alabang Satellite Office sa Muntinlupa.

Una nang isinampa ng Las Piñas Police ang kasong paglabag sa Section 13 o possession of dangerous drugs during parties and meetings (non-bailable); Section 14 o possession of paraphernalia, equipment, instruments of drugs (bailable); at Section 15 o paggamit ng ilegal na droga (bailable) ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban kay Cabamongan.

Gayunman, ibinaba ng korte ang mga kaso sa Section 12 o possession of drugs and paraphernalia at Section 15, na parehong puwedeng magpiyansa, ayon kay Apolinario.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Further, the aggravating circumstance as senior police officer, so as to be denied bail, was not considered (by the court),” pagsisiwalat ni Apolinario.

Ayon kay Senior Supt. Marion Balonglong, hepe ng Las Piñas police, sobra siyang nadidismaya sa desisyon ng korte sa dahilang si Cabamongan ang pinakamataas na police officer na inaresto sa ilegal na droga.

“We will look into that kung ano ang pwede naming gawin to bring him back into jail. I am disappointed, kaya sinabihan ko sila subukan natin habulin,” ayon kay Balonglong.

Sinabi ni Apolinario na hindi pa absuwelto si Cabamongan, na kasalukuyang natalaga sa Holding Center of Crime Laboratory, dahil “still has an ongoing administrative case on the incident he was involved in” sa Philippine National Police- Internal Affairs Service.

Noong Marso 30, inaresto si Cabamongan ng mga elemento ng Talon Kuatro Police Community Precinct (PCP-6) sa kasagsagan ng pot session sa isang barung-barong sa Block 16, Lot 14, Everlasting Homes, Barangay Talon 4. Inaresto rin ang kasama niyang babae na si Nedy Sabdao, 44, ng Block 15, Tips Street, Bgy. Talon 4, Las Piñas.

Kapwa nagpositibo sa droga sina Cabamongan at Sabdao. (MARTIN A. SADONGDONG at BELLA GAMOTEA)