MALUGOD nating tinatanggap ang napakapositibong assessment ng iba’t ibang pandaigdigang institusyon tungkol sa inaasahan sa ekonomiya ng Pilipinas ngayong 2017 at sa susunod na taon.

Tinaya ng International Monetary Fund (IMF) ang 6.8 porsiyentong paglago ng Gross Domestic Product (GDP) para sa Pilipinas ngayong taon, na aalagwa pa sa 6.9 na porsiyento sa 2018.

Mas mataas naman ang taya ng World Bank (WB) sa 6.9 na porsiyento ngayong taon. Mas mababa naman ang sa Asian Development Bank (ADB), na nasa 6.4 na porsiyento.

Ang taya para sa ating gobyerno ni Socio-Economic Planning Secretary Ernesto Pernia ay nasa 6.5 porsiyento hanggang pitong porsiyento sa unang quarter ng taon.

Iisa lang ang sinasabi ng lahat ng pagtayang ito: Maliwanag na kabilang ang Pilipinas sa pinakamabibilis umunlad na ekonomiya sa Asia.

Isang dahilan ng kumpiyansang ito ay ang bumubuting pandaigdigang kondisyon. Ayon sa IMF, ang pangkalahatang kaunlaran sa mundo ay inaasahang sisigla pa ngayong taon — ng 5.5 porsiyento mula sa 3.1 porsiyento noong 2016. Dahil sa bumubuting pandaigdigang ekonomiya, inaasahang tataas ang pagluluwas ng mga produkto ng Pilipinas sa 17.4 na porsiyento sa susunod na dalawang buwan, babawi mula sa 4.2 porsiyentong pagdausdos noong 2016.

Nakikita ng IMF na negatibo para sa pandaigdigang ekonomiya ang nananamlay na ekonomiya ng China ngayong taon at ang polisiyang protectionist ng Amerika sa ilalim ng pamumuno ni President Donald Trump at ang ipinaiiral niyang “America First.” Ngunit ang anumang kawalang katatagan mula sa dalawang bansang ito ay dapat na hindi makaapekto sa Pilipinas dahil sa matatag nitong ekonomiya, ayon sa IMF.

Malinaw nating nakikita ang dahilan sa kumpiyansang ito sa programang pang-imprastruktura ng bagong administrasyon, at bilyun-bilyong piso na ang naaprubahan sa Pambansang Budget para sa pagpapatayo at pagpapaganda ng mga kalsada at tulay, mga eskuwelahan, mga pantalan at paliparan, mga riles at iba pang sistema ng transportasyon. Banggit pa ng IMF, ang paggastos ng bansa sa edukasyon, kalusugan at mga programa laban sa kahirapan ay dapat na magpalawak pa sa masiglang ekonomiya. Malaki rin ang nakikinita nitong gagampanan ng agrikultura para sa ekonomiya ng Pilipinas.

Labis ang kumpiyansa ng sarili nating gobyerno kaya naman puntirya nito ang 7-8 porsiyentong pag-unlad ng ekonomiya pagsapit ng 2022. Kasama ng pangkalahatang kaunlarang ito, inaasahang maiibsan din ang kawalan ng trabaho sa 3-5 porsiyento mula sa 5.5 porsiyento noong nakaraang taon, at ang poverty rate sa 14 na porsiyento, mula sa 21 porsiyento noong 2015.

Ang lahat ng pagtayang ito mula sa IMF, sa WB, sa ADB, at mismong gobyerno ng Pilipinas ay mistulang simpleng estadistika lamang para sa karamihan, ngunit dapat na maramdaman at mapatunayan na natin ang mga ito sa pamamagitan ng mga aktuwal na istruktura, sistema ng transportasyon at mga institusyon, sa pagkakaroon ng saganang ani, maraming trabaho—pangkalahatang pagbabago at kaunlaran na inaasam nating masaksihan sa buhay ng mamamayan sa mga susunod na buwan at taon.