Magkakaroon ng ilang araw na bakasyon ang ilang manggagawa at estudyante sa Metro Manila sa Huwebes at Biyernes kaugnay ng mga aktibidad para sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa susunod na linggo.

Nagpalabas si Executive Secretary Salvador Medialdea ng Memorandum Circular No. 18 na nagsususpinde sa trabaho sa mga pampubliko at pribadong tanggapan sa Metro Manila sa Biyernes, Abril 28.

Suspendido rin ang klase sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa Metro Manila sa araw na iyon kaugnay ng ASEAN Summit.

Alinsunod sa MC 18, kinansela rin ng Malacañang ang pasok sa mga tanggapan ng gobyerno sa mga lungsod ng Pasay, Makati at Maynila sa Huwebes, Abril 27. Ipinaubaya naman ng Palasyo sa pamunuan ng mga eskuwelahan kung magsususpinde rin ng klase sa nabanggit na araw.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Sinuspinde rin ng gobyerno ang pasok sa Philippine International Convention Center (PICC) complex sa Pasay City sa Abril 24-30.

Wala ring pasok ang mga kawani ng pamahalan sa Cultural Center of the Philippines (CCP) complex sa Pasay City sa Abril 28-30.

“The suspension of work in the private sector and in places other than those indicated above is left to the discretion of their respective local government units and/or employers based on their assessment of the scheduled activities from 24-30 April 2017, and the security and traffic management plan which shall be implemented on the said dates,” saad sa circular. (Genalyn Kabiling at Beth Camia)