TINAPOS ng National University ang kampanya sa 2-1 panalo kontra sa defending champion University of the Philippines Huwebes ng gabi sa UAAP Season 79 men’s football tournament sa Moro Lorenzo Field.

Pinalakas ng determinasyon at pride, unang nakaiskor ang Bulldogs sa pamamagitan ni Mike Arbela sa ika-36 minuto ng laro, bago nasundan sa ika-62 minuto ni substitute Sebastian Patangan para makatabla ang Figthing Maroons.

Nakuha ng NU ang bentahe sa iskor ni Jacob Gomez sa ika-72 minuto para tapusin ng Bulldogs ang kampanya sa ikalimang puwesto tangan ang 19 puntos.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Lahat ng teams sa UAAP, balanced. You can’t relax. Anybody can win,” sambit ni NU coach Mari Aberasturi. “This season, our aim is to establish the style of play. Next year, I hope ma-establish na. Nag-respond na mga bata sa bagong system.”

Sa kabila ng kabiguan, nakuha ng UP ang No.2 spot sa Final Four tangan ang 28 puntos.

“We wanted to end on a high note. But unfortunately, there were lapses sa goalkeeping,” pahayag ni Maroons mentor Anto Gonzales. “Yung objective naming was to play a thinking game. Pero sa first half, hindi namin siya na-achieve.”

Ito ang ikalimng sunod na Final Four appearance ng UP na sasabak kontra third-ranked at long-time rival Far Eastern University sa semis duel sa Mayo 4 ganap na 5:00 ng hapon sa Rizal Memorial Stadium.

Magtutuos naman sa hiwalay na semifinal duel ang top seed Ateneo at No. 4 University of Santo Tomas sa 3:00 ng hapon.