IKA-22 ngayon ng mainit at maalinsangang buwan ng Abril. Isang karaniwang araw ng Sabado. Ngunit sa mga environmentalist at iba pang nagmamalasakit sa kalikasan at kapaligiran, mahalaga ang araw na ito sapagkat ipinagdiriwang ang “International Earth Day”.

Ayon sa kasaysayan, ang pagdiriwang ng Earth Day ay sinimulan sa America noong Abril 22, 1970 na pinangunahan ni dating Wisconsin Senator Gaylor Nelson. Layunin ng pagdiriwang na matawag ang pansin ng mga tao sa unti-unting pagkawasak ng kapaligiran.

Sa iniibig nating Pilipinas, si dating Senador at DENR Secretary Heherson Alvarez ang awtor ng Senate Resolution na nagtakda na ang ika-22 ng Abril ng bawat taon ay pagdiriwang ng Earth Day sa bansa.

Sa lalawigan ng Rizal, bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Earth Day, ang 13 bayan at isang lungsod ay magsasagawa ng clean up drive. Ito ay pagsunod na rin sa utos ni Rizal Gov. Nini Ynares sa mga mayor sa lalawigan na lumahok sa pagdiriwang ng “International Earth Day”. Ang lalawigan ng Rizal ay may YES (Ynares Eco System) to Green Program na flagship project ni Gov. Nini Ynares na inilunsad ng pamahalaang panlalawigan.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Sa pagdiriwang ngayon ng “Earth Day”, mahalagang mabatid ang ilang obserbasyon at pananaw kung paano pinagmalasakitan at nilapastangan ang ating kapaligiran at kalikasan. Ayon sa mga environmentalist, sa nakalipas na ilang dekada, patuloy na naghihingalo ang ating kapaligiran sapagkat patuloy na nilalapastangan ng mga berdugo ng kapaligiran at kalikasan. Tuluy-tuloy ang pagkalbo sa ating mga kabundukan. Ginagawang mga subdivision, golf course at memorial park ng mga developer. Ang mga bukid at ibang lugar ay nawala na rin sapagkat tinayuan ng mga mall na pag-aari ng mga taipan. Nagbunga ng mga pagbaha at pagguho ng lupa tuwing tag-ulan. Kumitil ng libo nating kababayan at pinsala sa kabuhayan.

Naglaho na rin ang ating mga gubat dahil sa kagagawan ng mga illegal logger at iba pang berdugo ng kalikasan na ang iba sa kanila ay mga sirkero at payaso sa pulitika.

Sa bawat golf course at memorial park na maitayo, malaking espasyo ang nawawala na dapat sana’y lupang agrikultura. Galung-galong tubig ang idinidilig upang mapaglaruan ng nga mga piling uri sa lipunan at mga nasa pamahalaan. Inagaw ang tubig sa mamamayan na magagamit sana sa paglalaba, pagluluto at pandilig sa mga halamang nagbibigay pagkain at buhay.

Maging ang mga ilog, sapa, latian at dagat ay pinapatay na rin ng matinding polusyon sa kabila ng itinatag na “Bantay-Kalikasan” ng DENR (Department of Environment and Natural Resources).

Sa patuloy na paglapastangan sa ating kapaligiran, ang mga nadagdag na berdugo ng kalikasan ay ang pagmimina ng mga balasubas at ganid na negosyante na may-ari ng minahan. Sa walang habas na pagmimina, napinsala ang mga katabing ilog, sapa at dagat. Mayroong 23 minahang sinuspinde ang matapang na kalihim ng DENR na si Secretary Gina Lopez.

Ikinagalit ng mga masalapi at maimpluwensiyang may-ari ng minahan.

Sa pagdiriwang ng Earth Day, umaasa ang marami nating kababayan at ang mga environmentalist na patuloy na manindigan sa kapakanan ng kapaligiran. (Clemen Bautista)