PAG-ASA ISLAND, Palawan – Inihayag kahapon ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na maglalaan ang gobyerno ng P1.6 bilyon upang pagandahin ang mga pasilidad sa Pag-asa Island sa Kalayaan, Palawan.
Sa panayam sa kanya ng mga Defense reporter nang magtungo kahapon sa isla na bahagi ng Kalayaan Group of Islands (KIG), sinabi ni Lorenzana na mahalagang mapaganda o madagdagan ang mga pasilidad sa Pag-asa para sa kapakanan ng mga sundalo at residente sa lugar.
Ito na ang ikalawang pagbisita ni Lorenzana sa Pag-asa, na ang una ay noong estudyante pa siya ng Command General Staff Course (CGSC) taong 1992.
Paliwanag ni Lorenzana, ang P1.2 bilyon ay gagamitin sa pagkukumpuni sa 1.3-kilometrong runway sa isla, habang P400 milyon naman ang gugugulin sa pagpapatayo ng port.
Ang konstruksiyon ay pangangasiwaan ng Naval Construction Battalion (Seabees), ayon sa kalihim.
“We will repair the runway. We will cement it, fix the edges and add a portion (of the road) so that the military aircraft like the C-130 cargo plane will not have a hard time landing because the runway is short right now,” sabi ni Lorenzana.
“Hopefully by July we already finish the beaching so that the LSTs (Landing Ship Tanks) can dock and unload construction materials like sand, gravel, etc. that will be used to cement the runway,” dagdag niya.
Bukod dito, sinabi ng kalihim na magtatayo rin ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng fishport para sa mga mangingisda.
Kinumpirma rin ni Lorenzana na bukas ang gobyerno sa posibilidad na tanggapin sa Pag-asa Island ang mga lokal at dayuhang turista.
Kasamang nagtungo ni Lorenzana sa Pag-asa kahapon sina AFP Chief of Staff Gen. Eduardo Año, Army chief Glorioso Miranda, Air Force chief Lt. Gen. Edgard Fallorina, Palawan Gov. Jose Pepito Chavez Alverez, AFP Western Command chief Lt. Gen. Raul Del Rosario, AFP spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla, AFP Public Affairs Office chief Marine Col. Edgard Arevalo, at iba pang matataas na opisyal ng militar. (FRANCIS T. WAKEFIELD)