Patay ang isang negosyanteng Hapon habang sugatan naman ang kasama niyang negosyanteng Pinoy makaraang tambangan at pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Roxas Boulevard sa Ermita, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang nasawing biktima na si Seiki Mizuno, 48, nanuluyan sa Solaire Hotel sa Pasay City at sugatan naman si John Ong Desbarro, pangulo ng Oakwave Philippines Corporation.
Sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), bandang 8:25 ng gabi nangyari ang pananambang sa kanto ng Roxas Boulevard at Cuarteles Street, Ermita.
Napag-alaman na nitong Huwebes, kadarating lamang sa bansa ni Mizuno upang bisitahin ang pabrika ng Oakwave sa Tanza, Cavite.
Pagdating ng hapon ay nagtungo ang mga biktima, kasama ang apat na iba, sa Harbour View Restaurant na malapit sa Quirino Grandstand, upang maghapunan.
Matapos kumain ay sumakay na sa isang Toyota Alphard (UHQ-319) ang grupo upang bumalik sa kanilang hotel, ngunit pagsapit sa pinangyarihan ay sinabayan sila ng mga suspek na lulan sa motorsiklo at pinagbabaril.
Una umanong pinaputukan ng mga suspek ang driver na si Rolando Singsing, company driver ng Oakwave, ngunit masuwerteng hindi tinamaan saka tuluyang pinagbabaril ang mga nasa loob ng van at napuruhan si Mizuno.
Mabilis na tumakas ang mga suspek, inilarawang nakasuot ng t-shirt, shorts at sombrero, patungong south bound ng Roxas Boulevard. (MARY ANN SANTIAGO)