NANG ipinahiwatig ng pamunuan ng Philippine Sports Commission (PSC) na magkakaroon ng malawak na partisipasyon sa Batang Pinoy Games ang mga kabataang anak ng mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), kaagad naikintal na sa aking utak: Isa itong malaking diskriminasyon. Isa rin itong malaking kabalintunaan o irony lalo na kung isasaalang-alang na ang naturang pahayag ay bahagi ng pagbuhay sa Sports for All program ng Duterte administration.
Hindi ko makita ang lohika kung bakit sa mga MILF youth lamang nakatuon ang pahiwatig ng PSC. Nangangahulugan ba na sila lamang ang nakaaangat at may tiyak na pagkakataong humakot ng mga medalya sa mga sports competition?
Walang may monopolyo ng kahusayan sa larangan ng palakasan. Natitiyak ko na mayroon ding maituturing na “sports genius” sa mga kabataang lahi naman ng mga miyembro ng Moro National Liberation Front (MNLF); gayon din sa iba pang grupo na tulad ng Abu Sayyaf, Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at iba pa.
Naniniwala ako na ang mga kabataan mula sa Muslim groups ay may karapatan ding maging bahagi ng Batang Pinoy Games – at maging ng Palarong Pambansa – na maaaring itanghal sa Mindanao at sa iba pang panig ng bansa. Hindi miminsang ipinahiwatig ni Pangulong Duterte na ang gayong programa ay isang epektibong paraan upang mailayo sa kasumpa-sumpang mga bisyo ang mga kabataan. Katunayan, minsan din niyang nabanggit na nais niyang makaharap sa paligsahan ang mga young athlete.
Dapat pagtuunan ngayon ng PSC – at ng iba pang ahensiya na may kinalaman sa palakasan – ang puspusang pagsusulong ng grassroots sports development program hindi lamang sa Mindanao kundi maging sa mga kanayunan at kalunsuran sa buong bansa. Napatunayan na natin na ang mga liblib na pook sa ating kapuluan ay maaaring panggalingan ng magagaling na atleta na makasusungkit ng mga medalya sa mga sports competition. Ilan lamang sina Lydia de Vega, Elma Muros at iba pa na naglagay sa Pilipinas sa pandaigdig na mapa ng paligsahan o sports.
Hindi ko malilimutan ang positibong resulta ng programang Gintong Alay noong Marcos regime. Mistulang sinuyod ng mga nagtaguyod ng nasabing programa ang iba’t ibang sulok ng bansa upang tumuklas lamang ng “potential medalist” na nagbigay naman ng karangalan sa sambayanang Pilipino.
Kaakibat ng gayong pagsisikap, dapat lamang pag-ibayuhin ng administrasyon – sa pamamagitan nga ng PSC at ng iba pang sports body – ang pangangalaga sa ating mga atleta. Ibuhos ang lahat ng suporta sa kanila upang lalong tumatag ang determinasyon na humakot ng mga medalya at iba pang karangalan para sa bansa.
Dahil dito, lalong iigting ang ating paniniwala na ang mga kanayunan ay maituturing na “gold mine” ng mahuhusay na manlalaro. (Celo Lagmay)