SA pagpapatuloy ng sesyon ng Kongreso sa Mayo 2 at sa pagbabalik ng Commission on Appointments upang pag-aralan ang mga itinalaga ni Pangulong Duterte sa Gabinete, magpapatuloy din ang matinding debate tungkol sa pagmimina at kalikasan dahil muling haharap sa komisyon si Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Gina Lopez.
Siya, gayundin ang tatlo pang kasapi ng Gabinete, na hindi nakumpirma nang magbakasyon ang Kongreso noong nakaraang buwan — ang mga kalihim ng Agrarian Reform, Social Welfare, at Health — ay pinagkalooban ng interim appointments upang hindi maapektuhan ang regular na operasyon ng mga kagawarang pinamumunuan ng mga ito. Ngunit matindi ang kontrobersiyang kinahaharap ni Lopez kaya naman muli siyang sasalang sa panibagong hamon pagsapit ng Mayo 2.
Ipinasara ni Secretary Lopez ang 23 minahan, sinuspinde ang limang iba pa, at kinansela ang 75 mining permit noong nakaraang buwan, na inulan ng matinding pagtutol mula sa mga tagasuporta ng industriyang nagbibigay sa gobyerno ng nasa P70 bilyong kita taun-taon. Sinusuri ngayon ng Mining Industry Coordinating Council ang naging desisyon ni Lopez, ngunit iginit ng kalihim na limitado lamang sa mga rekomendasyon ang kapangyarihan ng konseho.
Sa panayam ng Manila Bulletin nitong Lunes, sinabi ni Lopez na hindi patas para sa bansa ang kasalukuyang sistema sa pagmimina. Walumpong porsiyento ng kita sa mga operasyon ng minahan at napupunta, aniya, sa kumpanya, at karamihan sa produksiyon ay iniluluwas palabas ng bansa. Samantala, aniya, nasisira ng pagmimina ang mga ilog at nakukulapulan ng polusyon ang mga bukiring nakapaligid sa mga minahan.
Ito, aniya, ay sa kabila ng mas malaki ang kikitain ng mga komunidad mula sa natural biodiversity ng bansa. Tinukoy niya ang mga komunidad na nagsisimula nang makinabang sa mga proyektong gumagamit sa mga likas na yaman at sa kagandahan ng kalikasan—eco trails, panonood sa mga alitaptap, hardin ng mga paru-paro, at pagpapalipat-lipat ng mga turista sa mga isla. Ang India, aniya, ay nagpatayo ng dambuhalang pharmaceutical industry na nakabase sa mga halaman.
Sinabi ng kalihim na naniniwala siyang maaaring lumaki pa ang kita ng Pilipinas sa biodiversity nito kaysa pagmimina.
Aniya, inilaan niya ang malaking bahagi ng P29-bilyon budget ng DENR sa malawakang pagtatanim sa kagubatan, sa mga proyektong pangkalikasan laban sa climate change, at ecotourism. “If we are going to make choices, why don’t we make the ones that benefit the people the most?” aniya.
Sinabi ni Secretary Lopez na hindi na siya sigurado kung nais pa niyang manatili bilang kalihim ng DENR. Aniya, nasa sampung organisasyon ang sumusuporta sa kanya, ngunit mayroon namang mahigit 20 handa siyang hadlangan sa Commission on Appointments.
Kung paano ito makaaapekto sa pagkakatalaga sa kanya ay nakasalalay sa pagiging isa ng pananaw ni Pangulong Duterte, ng iba pang opisyal ng administrasyon, at ng kanilang mga kaalyado sa Kongreso, sa kung paano pinakaepektibong magagamit at mapag-iibayo ang mga likas na yaman ng bansa. Para sa marami sa ngayon, masyado ang ideyalismo sa paninindigan ng kalihim. Ngunit nakapanlulumo kung ang pakikipaglaban ni Secretary Lopez para sa kalikasan ay magwawakas sa muling pagdinig ng Commission on Appointments sa susunod na buwan.