SASARIWAIN ni Noven Belleza ang kasaysayan ng kanyang buhay mula sa pagiging magtutubo hanggang sa tanghaling grand winner ng “Tawag ng Tanghalan” ng It’s Showtime, sa pagganap ni Khalil Ramos.
Mapapanood ngayong gabi sa Maalaala Mo Kaya kung anu-ano ang mga paghamong kanyang hinarap bago pa man siya tumapak sa tanghalan.
Lumaki si Noven (Khalil) sa pamilya ng mga kontesero. Sa kanyang murang edad, nagkahilig siyang sumali sa mga singing contest. Mula sa umpisa, labis ang suportang kanyang natanggap sa kanyang pamilya lalo na sa kanyang tatay na si Rey (Nyoy Volante). Malakas kasi ang paniniwala ni Rey na maiaahon ni Noven ang kanilang buhay kapag naging tanyag siyang singer. Bilang isa ring kontesero, puspusan niyang tinuruan si Noven ng kanyang mga style at paboritong genre.
Ngunit habang nagtatagal, unti-unting nagbabago ang hilig sa musika ni Noven. Magiging sanhi ito ng hindi nila pagkakaintindihan ng kanyang ama. Lalo pang lulubha ang kanilang hidwaan nang kuwestiyunin ni Noven ang pagiging ama ni Rey sa kanila.
Sa hirap ng buhay, napilitan siyang tumigil sa pag-aaral at piniling tumulong sa tubuhan na pinagtatrabahuhan ng ama.
Paano magkakaayos ang mag-ama? Paano mahihimok si Noven na muling kumanta? Sa pagsali niya sa “Tawag ng Tanghalan,” makuha pa rin kaya niya ang suporta ng ama?
Makakasama nina Khalil at Nyoy sa upcoming episode sina Tess Antonio, Jane de Leon, Isaac Tangonan, at Noel Comia, Jr. mula sa panulat nina Benson Logronio at Arah Badayos at sa direksiyon ni Nuel Naval. Ang MMK ay pinamumunuan ng Star Creatives COO na si Malou N. Santos.
Abangan ang longest-running drama anthology sa Asya tuwing Sabado ng gabi sa ABS-CBN o ABS-CBN HD (SkyCable ch 167).
Panoorin nang libre ang latest episodes nito saiwantv.com.ph o skyondemand.com.ph para sa Sky subscribers.