Patay ang tatlong miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) makaraang makipagbakbakan sa mga tropa ng militar at mga tauhan ng Citizen Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) sa Pikit, North Cotabato nitong Huwebes ng hapon.

Ayon sa report na tinanggap ng Pikit Municipal Police, dakong 2:20 ng hapon nang mangyari ang engkuwentro sa Sitio Valencia, Barangay Bualan sa Pikit.

Dahil dito, napilitang magsilikas ang mga residente at nagtungo sa eskuwelahan.

Kinilala ng pulisya ang mga napatay na sina Tarzan Buntasil, Kensem Dungandong, at Rusman Salik Mohammad, pawang tauhan ni Kumander Arpie at kabilang sa mga pumuga sa Cotabato District Jail sa Bgy. Amas sa Kidapawan City.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sinabi ni Chief Insp. Donald Cabigas, hepe ng Pikit Municipal Police, na ninakaw ng grupo ni Kumander Arpie ang dalawang alagang baka sa Bgy. Bualan na pagmamay-ari ng magkapatid na CAFGU na sina Ariel Wacan at Constantino Wacan.

Kaagad na tinugis ng mga CAFGU at ng 38th Infantry Battalion ng Philippine Army ang mga magnanakaw ng baka hanggang makasagupa ang grupo ni Kumander Arpie.

Nakuha mula sa mga napatay na bandido ang tatlong matataas na uri ng baril at mga bala. (Fer Taboy)