ANG international award-winning director na si Brillante Mendoza ang kinontrata para gumawa ng art films na mapapanood kada buwan sa TV5.
Nauna nang naipalabas ang Tsinoy noong Enero habang nagdiriwang ng Chinese New Year at isinabay naman ang Everlasting sa Panagbenga Festival noong Pebrero, at ngayong Abril 22 (bukas na), 9:30 PM, mapapanood ang Pagtatapos.
Sa press preview sa Directors Club sa SM Megamall nitong Martes, nalaman namin na ang kuwento ng Pagtatapos ay tungkol sa high school student na si Shaira (Gabby Padilla) na pilit nilalabanan ang mga problema sa pamilya, personal na relasyon, at ang requirement bilang folk dancer na kailangan niyang maipasa para makapagtapos siya sa sekondarya.
Sa Philippine High School for the Arts sa Maria Makiling, Los Baños, Laguna ang entire shooting ng Pagtatapos.
Marami ang humanga kay Gabby na bago sa paningin ng mga nakapanood dahil mahusay at natural siyang umarte.
Singer at theater actress si Gabby Padilla na nagtapos ng kursong BC Theater Arts and Media Education sa Assumption College noong 2014 at nakagawa ng pitong play sa kanilang eskuwelahan at may additional training sa improvisation and Intermediate Acting, Rehearsal and Performance with Ana Valdes-Lim (Naturalism, Meisner, Uta Hagen, Viewpoints, Physical Theater, Alexander Technique, Stanislavski), Basic Movement Class, Movement & Voice, Movement & Masques, Voice Classes (Trumpets Playshop, METTA, University of San Agustin Conservatory of Music.
Nakagawa na rin siya ng documentary at short films tulad ng Dahling Nick (2015) at Who’s the Tiktik? (2016) at Reflection (2016).
Kahanga-hanga ang resume na ito ni Gabby sa teatro at films, kaya naman pala hindi siya nagpatalo aktingan sa award-winning actors na sina Nonie at Shamaine Buencamino kasama rin si Ms. Racquel Villavicencio.
Bago ang screening, ipinakita muna ang trailers ng iba pang movie made for TV na ginawa ni Direk Brillante sa TV5 na interesting ding panoorin.
Kapansin-pansin sa mga pelikulang ginawa ng award-winning director for TV5 na hindi malalaking artista o sikat ngayon ang mga nagsiganap. Kaya natanong si Direk Brillante tungkol dito.
“Mas gusto ko kasing mag-focus sa kuwento o istorya, kasi iyon ang binibigyan ko ng importansiya. Okay lang naman na may mga sikat na artista, pero mas gusto nating mag-focus sa kuwento. Parati ko namang pinaghahalo ang professional actors at non-professionals. Of course, eventually, ang gusto nating mangyari ay hindi lang natin gustong ipalabas dito sa Pilipinas itong monthly specials na ito kundi in the future na puwede rin sa ibang bansa.”
Bakit buwanan lang ang airing?
“Mahirap pong gumawa ng pelikula. Even if it’s a short film, talagang ang treatment natin ay parang full length. So ang proseso po natin ay full-length. Ang mga kuwento na ito ay referential, ibig sabihin, hindi lang isang imaginative stories. Nagpupunta po kami sa iba’t ibang lugar, maraming pool of writers na may kanya-kanyang assignment tulad sa isang particular region. May proseso na dapat sundin hanggang sa makagawa kami ng kuwento, so merong original music, sound design. Hindi ‘yun ‘yung normal process kasi sa mga TV show, it’s a film kaya mahirap, but very rewarding.
“That’s why I’m very thankful with TV5 kasi I think, they’re the only network that will show this kind of TV series or TV show na kahit in the facts, and TV drama ang ginagawa ay through film. It’s an alternative film kasi mas focus tayo sa kuwento rather than the actors,” paliwanag ng direktor.
May usapan ba si Direk Brillante at ang TV5 na gawing mainstream o komersiyal ang alternative films na ito dahil iyon ang mas gusto ng advertisers at higit sa lahat, kailangan ding mabawi ng network ang production cost.
“Walang compromise with TV5, kung baga I’m free kung ano ang gusto kong gawin kaya nga thankful ako kasi sila lang ang network na puwedeng gumawa nito at nakagawa ng ganito and they don’t care about it. Of course we want ratings, that’s the reason why we invited you (press) kasi kahit paano you can help us.
“Of course, sino’ng ayaw ng sponsors? Kailangan natin ng sponsors, at the end of the day, business ito. But then, TV5 took the challenge na magpalabas ng mga ganitong pelikula na hindi kailangang i-commercialized,” pangangatwiran ng direktor.
Pagdating naman sa budget sa pelikula, “Sobrang unique ang collaboration namin ng TV5, unique in a way kasi I work in bulk figure and then it’s up to me kung paano ko (tipirin). Kasi there are some projects na kailangan naming mag-travel, may projects na period, like action films na noong 70s pa. So iba’t ibang budget bawat films, so may ibang film talagang nag-o-over kami, as in. Kami ang nagba-balance, I have my producers, I have my production managers, iba’t ibang budget.”
Samantala, natanong din ang TV5 head na si Mr. Chot Reyes kung may plano silang isali sa film festivals sa ibang bansa ang movies made for TV ni Direk Brillante sa kanila.
“Hindi naman plinano na isali sa ibang film festivals, it was never intended. The reason why kinuha namin si Direk Brillante Mendoza is because there was really a very specific positioning na gusto naming gawin for TV5 na it’s really different, it’s alternative, very faithful to our station ID ang aming choose courage na branding. So, I thought it was a lot amount of courage for us to embarked on a project like this. So, I believe, we do our job well and we’re here to support Direk Brillante so that he can do his best works,” sagot ni Chot Reyes.
Isang taon ang usapan ng TV5 at ni Direk Brillante kaya 12 movies ang gagawin at mayroon ding 13-episode mini-series at iba pang pinag-uusapan para sa next projects pagkatapos ng isang taon. (Reggee Bonoan)