Dahil sa tuluy-tuloy na pagbaba ng water level, isinailalim na kahapon ng mga awtoridad sa red alert status ang La Mesa Dam sa Quezon City.

Ayon kay Ariel Tapel shift head ng La Mesa Dam, bumaba pa ang tubig sa dam sa 78.39 metro bandang 2:00 ng hapon kahapon.

Mas mababa ito ng 13 sentimetro sa 78.52 metro na naitala nitong Miyerkules, at 64-91 sentimetrong mas mababa sa normal na level ng La Mesa Dam na 79-79.3 metro.

Sinabi ni Tapel na ang tuluy-tuloy na pagbaba ng tubig sa dam ay dahil sa mataas na demand sa tubig ngayong tag-init.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“We have more water outflow than inflow because of high demand,” ani Tapel.

Ayon naman sa hydrologist ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na si Richard Orendain, mas mababa pa ngayon ang tubig sa La Mesa Dam kumpara sa naitala sa kaparehong panahon noong 2016, sa kasagsagan ng El Niño.

Sinabi ni Tapel na plano ng mga nangangasiwa sa monitoring ng dam na humiling ng karagdagang alokasyon sa tubig mula sa Angat Dam-Ipo Dam water system sa Bulacan para magamit ng mga taga-Metro Manila.

Sinabi naman ni National Water Resources Board Executive Director Sevillo David, Jr. na ikokonsidera nila ang pagdadagdag ng alokasyon kung kinakailangan “to assure sufficient supply of water for Metro Manila”, bagamat inamin niyang ang water level sa La Mesa Dam ay “relatively low but still manageable”.

Gayunman, hiniling niya sa publiko na magtipid at iwasang mag-aksaya ng tubig. (ELLALYN DE VERA-RUIZ)