TAMA si Pangulong Duterte sa paghirang kay Agriculture Secretary Manny Piñol na naninindigan pabor sa mga magsasaka sa masalimuot na usaping pag-angkat ng bigas.

Ang hidwaan sa naturang usapin ay sumasalamin lang sa hindi magkatugmang interes ng mga magsasaka at mga negosyante ng bigas. Luma nang hidwaan ito ng kita laban sa interes ng publiko.

Sa naturang usapin, pabor at hanga kay Sec. Piñol ang karamihan sa community press. Huwag tayong magulat kung pakawalan ng malalaking negosyante ng bigas at ng kanilang Rice Cartel ang matinding batikos at atake kay Piñol.

Maaaring ipukol nila lahat kay Piñol pati ang “inidoro ng kubeta.”

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Tumpak ang hangarin ni Piñol na gawing rice self-sufficient ang ating bansa. Nakakalungkot nga na sa kabila ng katotohanang ang yaman ng ating bansa ay nasa AGRIKULTURA, pinababayaan naman ang ating mga magsasaka.

Ang napabalitang pagkakautang ng NFA ng P211 bilyon ay bunga lamang ng pagiging kampi ng nakaraang pamunuan ng bansa sa interes ng mga negosyante na dapat na ituwid.

Sana ay ginamit ng mga nakaraang administrasyon ang kahit kalahati man lang ng pagkakautang ng NFA bilang subsidiya para mga magsasaka. Sa totoo lang, wala sa naunang mga Agriculture Secretary ang may talino at dunong katulad ni Haring Solomon. Salamat naman at parang meron nito si Piñol.

LIBRENG MATRIKULA SA SUC. Sa pagbukas ng klase sa darating na Hunyo, hindi na magbabayad ng matrikula ang mga estudyante sa state universities and colleges (SUCs).

Ang balitang ito, ayon kay Albay Rep. Joey Salceda, ay “patikim lamang ng darating pang mga makabuluhang biyaya kung maisabatas na ang Universal Access to Tertiary Education Act of 2017 (HB 7221) na siya ang pangunahing awtor. Siya ang pinakamaingay ng kumpanya para sa Free SUC tuition nang dinggin sa kongreso ang naturang panukala.

Ngunit ang tunay na magpapabago sa kasalukuyang kalakaran ay ang HB 7221, sabi ni Salceda. Ang mga benespisyong laan nito ay bukas din para sa mga mag-aaral sa technical vocational institutions na pinangangasiwaan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Nitong nakaraang Marso, inaprubahan ng House Committee on Higher and Technical Education ang HB 7221 o Universal Access to Tertiary Education Act of 2017, matapos isama rito ang dalawang iba pang panukalang batas, ngunit halos nanatili ang kabuuan ng orihinal na akda ni Salceda. (Johnny Dayang)