NGAYONG araw magtatapos ang The Greatest Love na mula sa pinakaumpisa hanggang sa huling linggo ay pawang positibo ang feedback ng viewers na sumusubaybay dahil marami ang naka-relate at marami ring natutuhan lalo na ang may mga kaanak na matatanda na at katulad ni Mama Gloria (Sylvia Sanchez) ay may Alzheimer’s disease.
Kaya naman napakataas ng ratings nito at punumpuno ng commercial loads.
Sa ganda ng istorya ng TGL ay marami ang nagre-request sa ABS-CBN management na agaran itong igawa ng DVD copy o sana raw ay magkaroon ng “rewind” at ilagay sa primetime. May mga nag-oopisina kasi na sa iWantTV na lang ito hinahabol pero hindi pa rin nasubaybayan religiously ang journey ni Mama Gloria.
Mala-Please Be Careful of My Heart ang dating ng The Greatest Love na naging paborito rin sa simula pa lang kaya nu’ng tatapusin na ay marami ang nagprotesta dahil mami-miss na nila ang tambalang Ser Chief (Richard Yap) at Maya (Jodi Sta. Maria).
Nag-last taping day na ang TGL nitong Miyerkules na burol ang kinunan, at may video call din ng pamamaalam ni Mama Gloria sa mga anak at dinala ang kabaong niya sa simbahan.
Ayon sa napagtanungan naming taga-TGL, tahimik daw ang buong cast sa lahat ng takes at nag-iiwasang mag-iyakan.
Tinext namin si Sylvia kahapon dahil sa nakita naming post niyang nakahiga siya sa kabaong na parang natutulog lang at nakangiti pa.
“Naku, pahirapan ang pagpasok ko sa kabaong dahil for 27 years na gumagawa ako ng teleserye na mamatay ako, ayaw na ayaw kong ipapasok ako sa kabaong dahil takot ako.
“Hindi ako takot sa patay, mas takot ako sa kabaong dahil nu’ng bata pa ako, ‘yan ang mga panakot sa amin, may kabaong, may kabaong, ganu’n. kaya tumatak sa isipan ko ‘yan,” kuwento ng aktres.
Paano siya napapayag?
“Eh, nu’ng sinabi sa akin ni Ms. Ginny (de Ocampo, business unit head), talagang umayaw ako ng todo, kinausap niya ako na hindi puwedeng hindi ako makita sa loob ng kabaong dahil namatay nga ako, masisira ‘yung journey ni Gloria.
“Kaya sabi ko, sige pag-isipan ko, so tatlong araw akong nag-isip talaga. Tama rin naman si Ms Ginny na mawawala lahat ng saysay ng show kung hindi ako makikita saka hahanapin ng lahat si Gloria sa kabaong, saan napunta?
“’Tapos kinausap ko asawa ko (Art Atayde), sabi ko, ayaw kong humiga sa kabaong. Sabi ni Art, ‘hindi puwedeng hindi, humiga ka dahil lahat naman tayo mamatay at hihiga’ kaya sabi ko sa asawa ko, ‘eh, di ikaw humiga ro’n.’
“Hayun, after three days, tinawagan ko na si Ms Ginny at sabi ko ‘payag na ako.’ Nagpasalamat si Ms Ginny, actually, silang dalawa ng asawa ko ang nagpalakas ng loob sa akin para mapapayag diyan sa kabaong.
“’Tapos nu’ng kinunan, nandoon si Ms Ginny, binantayan niya ako. Sabi ko kasi, gusto ko marami akong taong nakikita sa paligid, ayokong mag-isa na ginawa naman nila.
“Sobrang takot ako, sa two days na kinunan ‘yung paghiga ko sa kabaong, hindi nawala ang nerbiyos ko, hindi ako mapakali. ‘Buti na lang uso na ‘yung walang takip kaya nakabukas ang kabaong, pero tinakpan din in the end,” mahabang kuwento ni Ibyang.
Biniro namin kung masarap o malambot ba namang humiga sa kabaong.
“Oo nga, malambot. Pero nakakatakot talaga, nasu-suffocate ako,” mabilis na sagot sa amin. “Panoorin mo kasi hindi ka naman nanonood kaya hindi mo alam ang naging journey ni Gloria at ng mga anak niya.”
‘Kasi nga kasabay sa oras ng deadline,’ paliwanag namin. (Reggee Bonoan)