Pagod at gutom na ang mga natitirang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) na patuloy na tinutugis ng militar sa Bohol, bukod pa sa karamihan sa mga ito ay sugatan, ayon sa Armed Forces of the Philippines-Central Command (AFP-CentCom).

Ayon kay Lt. Col. Adolfo Escuelas, military intelligence battalion head ng CentCom, batay sa huling intelligence information ay nananatili sa Bohol ang mga bandido ngunit pawang pagod, gutom at sugatan ang mga ito.

Sinabi ni Escuelas na ang mga terorista, kabilang ang Boholano na si Joselito Milloria, alyas “Alih”, ay wala nang bitbit na backpack dahil hindi na kaya ng mga itong magtatakbo habang pasan ang kani-kanilang bag.

Naka-red alert pa rin ang Bohol kahapon, ang ikalawang araw ng mga pulong ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Panglao Island, habang matindi rin ang ipinatutupad na seguridad sa Cebu.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Suportado naman ng AFP ang paghahayag ni Pangulong Duterte ng tig-P1 milyon patong sa ulo sa bawat isa sa mga bandidong natitira sa Bohol, sinabing makatutulong ito upang kaagad na maaresto ang mga ito.

Sa kanyang pahayag sa paglulunsad ng “Cine Lokal” festival sa Pasay City nitong Miyerkules, sinabi pa ni Pangulong Duterte na dapat tanggihan ng militar ang sinumang susukong bandido.

“Do not give me prisoners. I don’t need them. If there’s a fight and they surrender, you refuse, you decline the offer of surrender,” sinabi ni Duterte sa militar. “Dead or alive man ‘yan, may reward, pero mas gusto ko ‘yung dead kasi ‘yung alive, magpakain pa ako ma’am, magastos masyado.” (Mars Mosqueda, Jr., Fer Taboy, at Genalyn Kabiling)