Kahit pa tapos na ang Semana Santa, patuloy pa rin ang pagtaas ng presyo ng baboy at isda sa mga pamilihan sa Caloocan-Malabon-Navotas at Valenzuela (Camanava) area.
Ang dahilan? Kulang ang supply ng karne ng baboy dahil sa matinding init ng panahon.
Base sa report ng Bureau of Animal Industry (BAI), nangangamatay ang mga biik sa mga piggery, lalo na sa hilagang Luzon, dahil sa tindi ng init ng panahon kaya kinakapos ang supply nito.
Ang presyo ng kasim, laman at pigi ay nasa P210 na mula sa dating P180, habang ang liempo at lomo na P200 ang kilo ay tumaas na sa P230.
Tumaas na rin ang presyo ng isdang dagat, tulad ng Talakitok na mula sa P300 ay P400 na kada kilo, nasa P260 na ang dating P240 per kilo na Hasa-Hasa, habang ang Tambakol ay pumalo na sa P160 mula sa dating P100.
Nakalulula naman ang presyo ng hipon, na P500 na mula sa dating P400. (Orly L. Barcala)