KILALA ang mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa sa kanilang kahusayan sa pagtupad sa tungkulin, sa pagiging dalubhasa sa larangang kanilang kinabibilangan, sa kakayahan sa mabuting pakikisama sa kani-kanilang employer, at sa epektibong pakikibagay sa mga banyagang komunidad. Kilala rin sila sa mahusay na pagsasalita sa English.
Sa mabilis na lumalawak na pandaigdigang industriya ng business process outsourcing (BPO), Pilipinas ngayon ang nangungunang voice outsourcing destination sa mundo, nadaig ang India noong 2012, dahil sa kinikilalang kahusayan ng mga Pilipino sa wikang English.
Noong nakaraang linggo, isinulong ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Congresswoman Gloria Macapagal Arroyo ang pagpapabuti pa sa kakayahang ito sa isang panukala na magpapatatag sa paggamit sa wikang English bilang pangunahing lengguwahe sa pagtuturo sa mga paaralan sa bansa. Ang sistema ng edukasyon sa Pilipinas ay itinatag ng mga miyembro ng US Army at may 500 gurong Amerikano na dumating sa bansa noong 1901 lulan sa USAT Thomas at dalawa pang barko.
Nagturo sila ng English, agrikultura, heograpiya, mathematics, at kursong pangkalakalan. Sa pamamagitan nito, nakilala at ginamit ng mga Pilipino ang wikang English.
Noong 1974, nahadlangan ang pagtuturo sa English makaraang ipatupad ng Department of Education ang polisiya sa paggamit ng katutubong diyalekto ng mga bata sa mga unang taon ng pag-aaral, at tsaka na lamang ituturo ang Filipino at English sa mas mataas na antas. Sa pamamagitan ng kanyang House Bill 5091, hangad ni Congresswoman Arroyo na maibalik ang English bilang pangunahing wika sa pagtuturo mula sa unang antas ng pag-aaral. Mananatili ito bilang pangunahing wika sa klase hanggang sa mas mataas na antas, partikular sa pagtuturo ng mathematics at science.
Aniya, layunin ng panukala na mapag-ibayo ang kakayahan, kaalaman, at kahusayan ng mga estudyanteng Pilipino sa wikang English, upang mapanatili at mapabuti pa ang kanilang kahusayan sa mga sumisigla at mabilis na lumalawak na mga industriya, partikular na sa Information and Communications Technology (ICT).
Sa ngayon, nasa 1.5 bilyong katao sa mundo ang gumagamit ng English. Sa 195 bansa, 67 ang gumagamit sa English bilang pangunahing lengguwahe, habang 27 iba pa ang ginagamit ito bilang ikalawang opisyal na wika. Saanman naroon ang mga Pilipino sa planetang ito—at matatagpuan sila sa lahat ng bansa sa ngayon, maliban sa North Korea—mahusay silang naglingkod bilang mga doktor at nurse, arkitekto at inhinyero, guro, office manager, operator sa planta, obrero, at kasambahay.
Napapanatili nila ang kanilang kultura bilang mga Pilipino saan man sila magtungo, ngunit maayos din silang nakikisalamuha sa mamamayan ng pinuntahan nilang bansa. At ang malaking dahilan dito ay ang kakayahan nila sa epektibong pakikipag-ugnayan gamit ang pandaigdigang wika na English, na hangad na mapag-ibayo pa sa panukala ni Congresswoman Arroyo.