MONACO (AP) — Nabitiwan ni Andy Murray ang tangan sa 4-0 bentahe sa deciding set at maisuko ang laban kay Albert Ramos-Vinolas, 2-6, 6-2, 7-5, sa third round ng Monte Carlo Masters nitong Huwebes (Biyernes sa Manila).

Napatalsik din si dating French Open at Monte Carlo champion Stan Wawrinka nang silatin ni Pablo Cuevas ng Uruguay 6-4, 6-4.

Nakausad naman sina defending champion Rafael Nadal, nagwagi kay Alexander Zverev ng Germany, 6-1, 6-1, at two-time champion Novak Djokovic kay Pablo Carreno Busta, 6-2, 4-6, 6-4.

Tulad ni Murray, nahirapan din si Djokovic sa final set matapos kunin ang 2-0 bentahe, ngunit may sapat na lakas ang suwerte ang Serbian star para makasabak sa quarterfinals.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“I could have easily lost this match. I cannot allow myself many more (matches like this) if I want to go far in this tournament,” pahayag ni Djokovic.

Nagbalik aksiyon matapos magtamo ng injury sa kanang siko, hirap ang kampanya ni Murray at nawala ang tikas sa loob ng dalawang oras at kalahting duwelo.

“I’m disappointed to lose from the position that I was in,” pahayag ni Murray, runner-up kay Djokovic sa nakalipas na French Open. “I haven’t lost many matches like that in my career.”

Target ang ika-10 titulo rito, haharapin ni Nadal si unseeded Argentine Diego Schwartzman, nanalo kay Germany’s Jan-Lennard Struff 6-3, 6-0.

Mapapalaban naman si Djokovic kay No. 10 David Goffin ng Belgium sa quarterfinals, habang magtutuos sina Ramos-Vinolas at fifth-seeded Marin Cilic ng Croatia, namayani kay No. 9 Tomas Berdych, 6-2, 7-6 (0).