NASISIGURO kong maghahalo ang balat sa tinalupan sa opisina ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Camp Crame, dahil sa pagkakapatay sa isa nilang masipag at respetadong opisyal na tinambangan ng riding-in-tandem habang nagpapakarga sa isang gasolinahan sa Pasig City, nitong Martes ng hatinggabi.
Sakay si Chief Insp. Rommel Macatlang, 52, sa kanyang Mitsubishi Adventure na kinakargahan ng gasolina sa may kanto ng F. Ortigas Jr. Street at Meralco Ave., sa Barangay San Antonio, nang may humintong isang motorsiklo sa gilid ng van at pagbabarilin siya ng nakaangkas na suspek. Nagtamo si Macatlang ng mga tama ng bala sa katawan at hindi umabot nang buhay sa Pasig City General Hospital.
Bagamat wala pang masabi ang mga imbestigador ng Pasig Police Station kung ano ang motibo at sino ang posibleng nasa likod ng pag-ambush kay Macatlang, na isang opisyal ng Philippine National Police (PNP) na nakatalaga sa CIDG-National Capital Region, napipiho ko naman na ang mga kasamahan niya sa CIDG-NCR na pawang nagpupuyos sa galit ay kumikilos na upang malutas agad ang kaso.
Bilang isang police reporter noon sa Camp Crame, halos kabisado ko na ang ugali at takbo ng isip ng mga operatiba ng CIDG—lalo na ‘yung mga naging tauhan ng mga retiradong opisyal na mga nakakasama ko noon sa mga operasyon – kaya sigurado akong may kalalagyan ang mga suspek, pati na ‘yung mastermind kung sakaling lalabas na mga “hired killer” ang bumaril sa kanya.
Dalawang anggulo ang nasagap kong tinutumbok ng mga imbestigador – ang kasong hawak ni Macatlang na naging dahilan ng pagkakasuspinde ng ilang pulis at malaking sindikato ng droga na binangga niya noong nakatalaga pa siya sa bilang CIDG district officer sa Eastern Police District (EPD).
Ipinag-utos Chief Supt. Romulo Sapitula, EPD director, sa Pasig Police Station na laliman ang pag-iimbestiga sa kaso ni Macatlang. Wala rin siyang ibinigay na “deadline” sa mga imbestigador na may hawak sa kaso. “We should leave no stone unturned to solve the killing of our brother officer. We should get the suspects at all cost,” ang mahigpit na bilin ni DD Sapitula.
Ang lalakas ng loob ng mga riding-in-tandem – walang pinipiling biktima, oras at lugar, at sobrang tiwala nila sa sarili...eh bakit nga ba hindi lalakas ang loob ng mga hinayupak na iyan, eh kahit isa wala pa akong nabasa, narinig o nabalitaan na riding-in-tandem na natiyempuhan sa mga checkpoint o na-identify man lang dahil sa closed-circuit television (CCTV) camera.
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)