BILANG suporta sa programa ng pamahalaan na naglalayong gawing sapat ang pagkain para sa lahat ng Pilipino, idaraos ang dalawang araw na seminar-workshop tungkol sa urban gardening at vermicomposting sa Mayo 11 at 12 sa Baguio City, sa pangunguna ng Bureau of Agricultural Research ng Department of Agriculture-Cordillera sa pakikipagtulungan sa programang “For Zero Waste Baguio” ng pamahalaang lungsod.
Para sa pagsasanay sa urban gardening, iniimbitahan ng Urban Gardening Association ng Baguio sa kanilang Facebook ang mga interesadong residente na magparehistro at matuto kung paano makapagpo-produce ng pagkain gamit ang maliliit na lugar o kahit ang mga nakatanim sa mga paso sa loob ng kanilang bahay o sa kanilang munting veranda.
Tatalakayin ng mga lecturer mula sa Department of Agriculture ang paggamit ng uod para sa vermicomposting.
Tatalakayin din ni Elena Ros, ng University of the Philippines-Los Baños, ang kahalagahan ng urban gardening para sa produksiyon ng pagkain, health and wellness, at bilang mapagkakakitaan sa mga komunidad, paghahanda sa taniman, pangunahing disenyo sa urban gardening, at post harvest procedures.
Tatalakayin din ng kinatawan ng Bureau of Plant and Industry ang ayuda ng gobyerno sa pagkakaroon ng pagtataniman at compost.
Sasailalim din ang mga kalahok sa hands-on training sa urban gardening gamit ang nakalaaang mga lugar at mga materyales.
Pinahahalagahan ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mahusay na paggamit sa lupa para sa produksiyon ng pagkain at hinihimok ang mga tao, kabilang ang mga residente sa kalunsuran, na magtanim ng mga gulay para maging sapat ang pagkain.
Inatasan ng Pangulo kamakailan ang Department of Agriculture na himukin ang lahat na tumulong sa paglikha ng pagkain para sa sariling konsumo at para pagkakitaan na rin.
Aniya, kung lahat ng Pilipino ay nakakapag-produce ng pagkain, wala nang magugutom sa bansa at hindi na darating ang araw na may isang Pinoy na matutulog nang walang laman ang tiyan. (PNA)