NANGUNA si Pangulong Rodrigo Duterte sa 100 “world’s most influential person” ng Time Magazine. Dinaig niya sina Pope Francis, US President Donald Trump, Vladimir Putin ng Russia, at Xi Jinping ng China. Pero, hindi sinabi kung anong uri ang kanyang impluwensiya. Kasi, napili rin bilang “Person of the Year” iyong nakaapekto ng mga pandaigdigang pangyayari, mabuti man o masama, kabilang dito ay sina terrorist leader Osama bin Laden at Adolf Hitler.

Bakit hindi ka naman sisikat sa buong daigdig, eh ang kinalaban mo at sinabihan mo ng masamang salita ay si dating Pangulong Barrack Obama, Pope Francis at ang pinuno ng United Nations. Binatikos mo sila nang personal pati na ang kanilang pamamaraan ng pamamahala dahil ikinagalit mo nang sabihan ka nilang igalang mo ang karaparatang pantao at due process ng mamamayan sa kampanya mo laban sa krimen at droga. At ang kampanyang ito na nagbunga ng kaliwa’t kanang pagpatay ng mga umano’y sangkot sa droga ang naging kapansin-pansin sa pandaigdigang komunidad.

Ayon kay Malacañang spokesman Ernesto Abella, ang hinangaan ng mga Pilipino at lider ng mga ibang bansa ay ang kanyang agenda. Una rito ang itaguyod ang kapakanan ng publiko at pangkaraniwang mamamayan, lalo na ang mga dukha.

Kung ito ang naging pamantayan ng pagpili sa maimpluwensiyang tao sa buong daigdig, bakit naging panlima lamang sa 100 katao si Pope Francis? Hindi lang naman sa sermon kundi sa mga gawa ng Simbahan sa ilalim ng kanyang pamamahala ipinamalas ng Papa ang kanyang malasakit at pagmamahal sa mahihirap. Isa pa, sa kampanya ng Pangulo laban sa krimen at droga, halos lahat ng napatay ay mga dukha. Naitanong nga ni Luzviminda Siapo ng Navotas, isang namamasukang kasambahay sa Kuwait, kay Pangulong Digong kung ang mga pangkaraniwang tao ay may karapatan pa sa katarungan?

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Napilitang umuwi sa bansa si Siapo matapos niyang makumbinse ang kanyang amo dahil pinatay ang kanyang anak ng 14 na katao na pawang nakasuot ng bonnet.

Sa mga kaalyadong pulitiko ni Pangulong Digong, isang malaking karangalan, anila, na ang Pangulo ay kinilala ng buong daigdig bilang nangungunang maimpluwesiyang tao. Sa kanyang tinamong karangalan, sabi nila, pinasikat nito ang Pilipinas sa komunidad ng mga bansa. Sa akin, ang pangunguna ng Pangulo ay bunsod ng pagkagimbal ng international community sa ginawang maramihang pagpatay sa ilalim ng kanyang administrasyon. (Ric Valmonte)