Agad ipinarating ng Pasay City Police sa Embahada ng Japan ang pagkakatagpo sa nakabigting bangkay ng isang Japanese sa loob ng isang hotel sa lungsod kahapon.
Kinilala ang biktima, sa pamamagitan ng kanyang pasaporte, na si Takeshi Nakade, 46, ng Namayashi Japan.
Ayon kay SPO4 Allan Valdez ng Station Investigation and Detective Management Branch ng Pasay City Police, dakong 1:00 ng hapon nadiskubre ni Rhjay Horquia, supervisor ng hotel, ang bangkay ng Hapon habang nakapulupot sa kanyang leeg ang nylon cord.
Sa nakalap na impormasyon ni SPO4 Valdez, dakong 1:14 ng hapon ng Abril 17, nag-check in sa hotel si Nakade at huling nakitang buhay bandang 11:53 ng gabi ng nabanggit petsa.
Dahil tapos na ang oras ng pagrenta ni Nakade sa kanyang kuwarto, tumawag ang duty front desk officer ng hotel ngunit hindi sumasagot ang biktima.
Agad itong ipinaalam kay Horquia at pinuntahan si Nakade sa kanyang silid at kinatok ngunit hindi binuksan ang pinto.
Dito na humingi ng tulong sa pulisya ang pamunuan ng hotel at magkatulong na binuksan ang pinto ng kuwarto ni Nakade hanggang sa tumambad ang kanyang bangkay.
Narekober sa pinangyarihan ang isang papel kung saan nakasulat ang pangalan ng mga kaanak ni Nakade at kanyang pinatatawagan. (BELLA GAMOTEA)