Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang lalaking nanggantso sa isang Japanese businessman ng $40,000 sa isang pekeng business deal.
Kinilala ng NBI ang suspek na si Anselmo Monreal Nolasco na inaresto ng mga operatiba ng Anti Graft Division (AGD) sa entrapment operation sa Bonifacio Global City sa Taguig City.
Sa kabilang dako, patuloy na tinutugis ang kasabwat niyang si Maria Elvisa Daclan Tabar sa dahilang wala siya nang isagawa ang operasyon.
Nag-ugat ang pagkakaaresto sa suspek nang magreklamo si Musashi Nagashima na nawalan ng $40,000 dahil sa dalawang suspek.
Bukod kay Nagashima, nakatanggap din ang NBI ng mga report na niloko rin ng mga suspek ang isang Australian senator sa pamamagitan din ng pekeng business deal.
Sinabi ni Nagashima na nakilala niya ang mga suspek sa pamamagitan ng kanyang kaibigan na si Bertito Del Mundo Hasimoto noong Nobyembre 2016.
Sinabi ng Hapon na inangkin umano ng mga suspek ang Goshen Capital Holdings Limited na nagnanais pondohan ang pagtatayo ng Davao Metro Link Train.
Nais din umano ng dalawang suspek na mag-imbita ng Japanese general contractors upang maisakatuparan ang proyekto at ipinakita pa umano ng mga ito ang certificate mula sa isang Bernadette Lim, HSBC assistant vice president for trade operations, na nagpapatunay na naglaan ng $5 billion ang Goshen sa HSBC.
Gayunman, sinabi umano ng mga biktima na kinakailangan magbayad ni Nagashima ng $120,000 bank charges upang pamahalaan ang paglilipat ng pera sa kanyang employer sa Japan.
Sa isang pagpupulong sa Hong Kong, nagkasundo umano ang mga suspek sa $10 million initial transfer sa Japanese employer upang bayaran ang mobilization at feasibility study ng proyekto.
Dahil dito, inilabas ni Nagashima ang kanyang $40,000.
Gayunman, humingi ng tulong sa NBI si Nagashima upang maaresto ang dalawang suspek nang makumpirma niya na walang naipadalang pera sa Japan. (Jeffrey G. Damicog)