Napigilan ng militar kahapon ng umaga ang tangkang seajacking ng mga hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) matapos na kaagad na makahingi ng saklolo sa awtoridad ang isang cargo vessel na sinundan ng mga pump boat habang naglalayag sa karagatan ng Siocon sa Zamboanga Del Norte.

Ayon kay Philippine Navy (PN) Rear Admiral Rene Medina, commander ng Naval Forces Western Mindanao, dakong 8:00 ng umaga nang mangyari ang bigong seajacking try.

Ito ay makaraang kaagad na makatawag ng saklolo sa PN ang kapitan ng M/V Anabelle nang mapansin ang pagsunod sa kanila ng ilang pump boat.

Sinabi ni Medina na matapos nilang matanggap ang distress call ay mabilis na nagtungo sa lugar ang nagpapatrolyang barko ng Navy at dalawang helicopter ng Philippine Air Force.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Batay sa salaysay ng boat captain sa PN, sakay sa barko ang nasa 21 tripulante na nagmula sa daungan ng Liloy, Zamboanga Del Norte.

Para matiyak na hindi na mababalikan ng mga suspek, ineskortan ng Navy Patrol Craft 395 ang M/V Annabelle patungo sa daungan.

Hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaf o kidnap for ransom group ang mga sakay sa pump boat at posibleng pinlano ng mga itong harangin ang barko at dukutin ang mga tripulante.

Matatandaang kinumpirma kamakailan ang pamumugot ng ASG sa bihag nitong boat captain na si Noel Besconde, na hanggang ngayon ay hindi pa natatagpuan ang labi. (Fer Taboy)