Nasa kustodiya na ng Pateros Police Station ang isang lalaking nagpanggap umanong traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa nasabing munisipalidad, nitong Martes ng gabi.

Nakasuot pa ng uniporme ng MMDA nang dakpin si Alvin de Jesus y Campos, 43, ng No. 51 Rose Street, Villa Upeng, Caniogan, Pasig City.

Sa inisyal na ulat, nakatanggap ng sumbong ang pulisya mula sa ilang motorista na bumabagtas sa 540 M. Almeda St., Bgy. San Roque kaugnay ng umano’y maling paninita at maling pagmamando sa daloy ng trapiko ng isang “kawani” ng MMDA.

Agad nagtungo ang mga pulis sa lugar at dito naabutan ang suspek na nagpakilala umanong empleyado ng MMDA subalit walang naipakitang dokumento na naging sanhi ng kanyang pagkakaaresto.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sa pagsisiyasat ng awtoridad, napag-alaman na may nakabimbin na dalawang warrant of arrest si De Jesus dahil sa kasong paglabag sa Section 11, Article II ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at Section 5 ng Article II, RA 9165.

Nakatakdang sampahan ng kasong Usurpation of Authority sa Pateros Prosecutor’s Office ang suspek. (Bella Gamotea)