Patay ang isang opisyal ng Philippine Coast Guard (PCG) at kanyang misis nang tambangan at pagbabarilin ng riding-in-tandem habang sakay sa isang pick-up sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang mga biktima na sina Lt. Senior Grade Archie Hicban, 34, station commander ng PCG sa Albay; at misis niyang si April, 38, residente ng 6 Montmarte Street, Merville Park, Parañaque City.

Mabilis namang tumakas ang dalawang suspek na lulan sa isang motorsiklo at kapwa nakasuot ng helmet at face mask.

Sa ulat ni SPO1 Ronaldo delos Arcos kay Manila Police District (MPD)-Station 1 chief Police Supt. Robert Domingo, dakong 11:45 ng gabi nangyari ang pananambang sa Road 10, kanto ng Capulong St., Tondo.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Ayon sa mga barangay tanod, binabaybay ng mag-asawa, sakay sa puting Mitsubishi Strada GLX (TRO-633), ang nasabing lugar nang mapahinto sa stop light, sa kanto ng Capulong St.

Dito na umano sumulpot ang mga suspek at pinaulanan ng bala ang mga biktima at tuluyang humarurot palayo.

Tinangka pa umanong iligtas ni Archie ang kanyang misis sa pagyakap at pagsangga sa mga bala ngunit nasawi rin nang tamaan ng bala sa dibdib at braso.

Dead on the spot din si Archie dahil sa tama ng bala sa ulo.

Narekober sa pinangyarihan ang 14 na basyo ng bala. (MARY ANN SANTIAGO)