Aabot sa isang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P3 milyon ang natanggap ng pulisya nitong Martes mula sa pamilya ng inarestong drug suspect sa Quezon City.
Ayon kay Supt. Danilo Mendoza, Talipapa Police Station (PS-3) commander, isinuko sa pulisya ng anak at misis ni Joseph Haldos, Sr., ang inarestong drug suspect, ang ilegal na droga na isinilid sa siyam na malaki at dalawang maliit na pakete.
Nang suriin sa crime laboratory, aabot sa 1000 gramo ang kabuuang bigat ng nasabing droga.
Kapag ibinenta sa kalye, ito ay maibebenta ng mahigit P3 milyon, pahayag ni Mendoza sa Balita.
Mismong si Joseph Haldos, Jr. at kanyang inang si Joy Haldos ang nag-abot ng nasabing droga sa mga opisyal ng Sitio Pingkian, Barangay Pasong Tamo, 17 araw matapos mahuli si Joseph Sr. at kanyang mga kasama sa buy-bust operation ng PS-3 sa kahabaan ng Tandang Sora Avenue noong Abril 1.
Isinuko ng mag-ina ang mga droga ng nakatatandang Haldos sa takot umanong sila ay makulong.
Dahil dito, ayon kay Mendoza, mas nadiin sa kaso na may kinalaman sa pagtutulak ng ilegal na droga si Joseph Sr.
(Vanne Elaine P. Terrazola)