Nagsanib-puwersa ang militar at pulisya sa pagsalakay sa isang drug den sa Patikul, Sulu na pinaniniwalaang protektado ng Abu Sayyaf Group (ASG), na nauwi sa pagkakapaslang sa isang armado at pagkakadakip ng 34 na iba pa.

Sinabi ni Chief Supt. Reuben Theodore Sindac, director ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) regional police, na nasugatan din sa bakbakan si Corporal Jeffrey Maramag.

Kinilala naman ni Sindac ang napatay na si Jah Addul, na isa umano sa mga pangunahing personalidad na sangkot sa droga sa Patikul.

Ayon kay Sindac, nagpatupad sila ng arrest warrant sa kasong murder laban sa isang Namil Ahajari sa bahay nito sa Barangay Danag sa Patikul bandang 9:00 ng umaga kahapon.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

“Upon reaching the area, more or less 15 armed men fired on the operating troops. This triggered the firefight,” sabi ni Sindac.

Aniya, malaki ang posibilidad na may koneksiyon sa ASG ang mga armado.

Sa nasabing operasyon, ayon kay Sindac, ay naaresto rin ang 34 na iba pang sangkot din umano sa droga. Bineberipika pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga ito.

Nasamsam sa operasyon ang isang M16 rifle, tatlong .45 caliber pistol, ilang granada, at tatlong malalaking pakete ng hinihinalang shabu.

Kilalang teritoryo ng Abu Sayyaf ang Patikul at walang grupo na maaaring mag-operate sa munisipalidad nang walang permiso ng teroristang grupo.