IKATLONG titulo ang pupuntiryahin ng Pocari Sweat, habang makalikha ng matinding ingay sa kanilang pagbabalik ang tangka ng Bali Pure sa pagpalo ng Premier Volleyball League Reinforced Conference simula sa Abril 30 sa San Juan Arena.
Pangungunahan ang Lady Warriors ng mga power-hitting imports na sina Michelle Strizak at Edina Selimovic sa pagsisimula ng kanilang title-retention bid kontra sa koponan ni coach Nes Pamilar na Power Smashers sa ikalawang laro ganap na 4:00 ng hapon.
Galing sa paglalaro bilang import sa koponan ng 3BB Nakornont sa Thai League, pangungunahan ni Alyssa Valdez ang bagong koponang Creamline Cool Smashers na makakatapat naman ang Perlas Spikers ng Beach Volleyball Republic na pinangungunahan ni Charo Soriano sa main game ganap na 6:00 ng gabi.
Ang Pure Water Defenders na gagabayan ng beteranong coach na si Roger Gorayeb ay makakatunggali ng Air Force Lady Jet Spikers, ang Reinforced Conference runners-up, sa pambungad na laro ganap na 2:00 ng hapon.
Maliban sa dating skipper na si Michele Gumabao at Fil-Am setter na si Iris Tolenada, nanatili pa rin ang core ng Lady Warriors na siyang nagkampeon sa Reinforced at Open Conferences noong nakaraang season.
Kabilang dito sina Myla Pablo, Melissa Gohing, Elaine Kasilag, Deseree Dadang, Gyzel Sy at Shola Alvarez na nadagdagan pa nina dating Ateneo star Fille Cainglet-Cayetano at NCAA Finals MVP Jeanette Panaga.
Ayon kay Pocari coach Rommel Abella, hindi nila nararamdaman ang pressure bilang defending champions.
“We’re just trying prepare the way we did last year and not think too much of being the defending champion,” pahayag ni Abella.
Tinipon naman ni Gorayeb,ang kanyang mga college players na sina Grethcel Soltone at Alyssa Eroa ng San Sebastian College at sina Jorelle Singh, Risa Sato, Aiko Urdas at Jasmine Nabor ng National University kasama ang beteranong si Lizlee Ann Pantone para bumuo sa core ng Bali Pure squad.
“We’re also getting imports from the US and we’re looking to tap more local players to boost our chances,” wika ni Gorayeb.
Pamumunuan naman ang Power Smashers nina Jovelyn Prado, Thai imports Amporn Hyapha at Kannika Thipachot habang mangunguna para sa Air Force, ni coach Jasper Jimenez sina Wendy Semana, Jocemer Tapic, Iari Yongco, May Ann Pantino at nag-iisang Thai import na si Patcharee Saengmuan.
Samantala sa panig naman ng Perlas, kinuha nilang imports sina Brazilian Rupia Inck at American Kaylee Manns para makabalikat nina dating Ateneo stars Amy Ahomiro, Mae Tajima, Dzi Gervacio, Ella de Jesus at Jem Ferrer kasama sina Sue Roces at Sasa Devanadera ng PLDT sa kanilang kampanya. (Marivic Awitan)