WALA akong makitang dahilan upang hindi pangatawanan ni Pangulong Duterte ang paglikha ng Department of overseas Filipino workers (OFWs). Sa kanyang pakikipagpulong sa mga OFW hindi lamang sa Bahrain kundi maging sa iba pang bansa sa Middle East kaugnay ng kanyang state visit, tahasang ipinangako ng Pangulo: You overseas Filipino workers in a few months will have a department of OFW only.
Bagamat ang naturang pahayag ng Pangulo ay sinalubong ng masigabong palakpakan, natitiyak ko na may mga agam-agam ang ilang OFW sa agarang pagsasakatuparan ng naturang pangako. Matagal na nilang inaasam ang gayong kagawaran. Katunayan, ang gayong pangako ay hindi miminsang binitawan ng nakaraang mga administrasyon; maging ang ilang mambabatas ay nagsulong din ng panukalang batas hinggil sa paglikha ng nabanggit na departmento. Subalit nabigo ang mga OFW sa pangako ng Malacañang at ng Kongreso.
Ngayon ang pagkakataon upang lalong patatagin ng Pangulo ang kanyang determinasyon sa paglikha ng nabanggit na departmento para lamang sa mga OFW. Hindi lamang siya kundi ang halos lahat ng ating mga kababayan ang naniniwala na hindi masukat ang naiaambag ng naturang mga manggagawa sa kaban ng bayan. Ang kanilang milyun-milyong dolyar na ipinadadala sa ating bansa ang laging sumasagip sa ating nanlulupaypay na ekonomiya. Ang kanilang dollar remittances ay isa lamang sa mga naging batayan upang sila ay taguriang mga buhay na bayani ng ating lahi.
Ang itatatag na kagawaran na natitiyak kong pagtitibayin ng Kongreso at lalagdaan ng Pangulo upang maging batas ay hindi lamang isang pagtanaw ng utang na loob kundi pangangalaga pa sa kapakanan ng mga OFWs. Inaasahang magiging bahagi nito ang Overseas Workers and Welfare Administration (OWWA), Philippine Overseas and Employment Administration (POEA) at iba pang ahensiya na may kaugnayan sa pangangalaga at pagpapadala ng mga documented workers sa ibang bansa.
Sa pamamagitan ng naturang departmento, tiniyak ng Pangulo na magiging mabilis ang proseso ng mga papeles at maiiwasan ang fake employment agencies. Ang ganitong sistema ng panloloko ang nagiging kalbaryong pinapasan ng mga OFW.
Dapat ding tiyakin ang seguridad ng ating mga kababayang manggagawa sa kamay ng mga balasubas na dayuhang employers; nagiging dahilan ito upang sila ay mabulid sa pagkakasala dahil sa kanilang pagtatanggol sa sarili. Magiging kaagapay nila ngayon ang lilikhaing tanggapan para sa kanila lamang.
Palibhasa’y may matinding pagkilala sa pagsagip ng mga overseas workers sa hilahod nating kabuhayan, nais kong bansagan ang lilikhaing tanggapan bilang Dambana ng mga OFW. (Celo Lagmay)