AKSIYONG umaatikabo ang tiyak na matutunghayan sa inaasahang pagpapakitang-gilas ng mga miyembro ng training pool upang makamit ang inaasam na slots sa national men’s at women’s volleyball teams sa itinakdang magkahiwalay na one-game showdown na binansagang “Clash of Heroes” sa Abril 28 sa San Juan Arena.

Pangungunahan ng dating Ateneo hotshot na si Alyssa Valdez at mga beteranong spikers na sina Jocelyn Gonzaga at Rachel Anne Daquis ang star-studded event na inorganisa ng PSC-POC Media Group at Larong Volleyball sa Pilipinas, Inc. (LVPI) sa pakikiisa ng Philippine Sports Commission (PSC) para sa target na training ng National Team sa Japan at South Korea sa susunod na buwan.

Maliban sa men’s at women’s match, magkakaroon din ng mala-Super Bowl-style na pep rally kung saan pormal na ipapakilala ang mga miyembro ng national men’s at women’s training pool para humingi ng kaukulang suporta sa kanilang pagkampanya tungo sa 29th Southeast Asian Games sa Malaysia sa Agosto.

Para sa mga gustong manood, mabibili ang mga tickets na nagkakahalaga ng P200 at P100 sa PSC-POC media center sa Rizal Memorial Sports Complex.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Maliban kay Valdez, Gonzaga at Daquis ang iba pang mga magtatagisan ng talento sa women’s match ay sina Kathleen Faith Arado, Roselle Baliton, Gen Casugod, Lourdes Clemente, Rhea Dimaculangan, Kim Dy, Kim Fajardo, Bia General, Elaine Kasilag, Denise Lazaro, Maddie Maddayag,Mika Reyes, Dawn Macandili, Aiza Maizo-Pontillas, Abigail Marano, Ria Meneses, Maika Ortiz, Myla Pablo, Jaja Santiago, Gretchel Soltones at Kat Tolentino.

Kasama din sina CJ Rosario at Frances Molina na pumalit sa na-injured na si Dindin Manabat.

Sa men’s side, matutunghayan naman sina Johnvic de Guzman, Ran Abdilla, Mark Alfafara, Geuel Asia, John Paul Bugaoan, Dave Cabaron, Lorenzo Capate, John Carascal, Bonjomar Castel, Louwie Chavez, Mark Deximo, Reyson Fuentes, Jacki Kalingking, Eddiemar Kasim, Ismael Kasim, Jeff Malabanan, Anjo Pertiera, Peter John Quiel, Erickson Ramos, Herschel Ramos, John Kenneth Sarcena, Peter Torres at Sandy Montero na pumalit sa dating NCAA MVP na si Howard Mojica na kasalukuyang nasa ilalim ng Basic Military Training. (Marivic Awitan)