Naging matagumpay ang kampanya ng gobyerno na mawakasan ang labor-only contracting at iba pang uri ng ilegal na kasunduan sa pangongontrata, pagkukumpirma ni Department of Labor and Employment (DoLE) Secretary Silvestre Bello III.

Aniya, aabot sa 45,605 manggagawa ang na-regular na sa kani-kanilang trabaho sa ilalim ng kampanya ng pamahalaan laban sa “endo” mula Hulyo 2016 hanggang Marso 2017.

“Tumaas ang bilang ng manggagawang naging regular matapos ang isinagawang pagsusuri at malawakang pagpapalaganap ng impormasyon laban sa kontraktuwalisasyon. Sa ating bagong department order na nagbabawal sa labor-only contracting at iba pang uri ng ilegal na gawain sa pangongontrata, inaasahan namin na madaragdagan pa ang bilang ng manggagawang gagawing regular ngayong taon,” ayon kay Bello.

Ayon pa kay Bello, nasa 35,781 manggagawa na ang boluntaryong ni-regular ng 1,322 employer.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

“Simula nitong Hulyo ng nakaraang taon, mahigpit na ipinatutupad ng DoLE ang batas at patakaran sa pangongontrata sa trabaho at agad din namang binibigyan ng DoLE ng tulong-pangkabuhayan o malilipatan ng trabaho ang mga manggagawang nawalan ng trabaho dahil sa walang kakayahan ang ilang employer na gawin silang regular,” dagdag pa ng kalihim.

(Mina Navarro)