CABANATUAN CITY - Pinagpiyestahan ng hinihinalang mga miyembro ng Basag-Kotse Gang ang sasakyan ng isang retiradong miyembro ng Philippine Army at kasamahan nito habang bumibisita nitong Linggo ng Pagkabuhay sa Crypta ng San Nicalas de Tolentino Cathedral sa Purok I, Barangay Sumacab Este sa Cabanatuan City, Nueva Ecija.
Sa ulat ni Supt. Ponciano Zafra, hepe ng Cabanatuan City Police, nakilala ang mga biktimang sina Joseph Apolinario y Andog, 46, dating sundalo, at residente ng Bgy. Bangad; at Leila Puno San Gabriel, 41, supervisor, ng Bgy. Pangatian, Cabanatuan.
Natangay ng mga hindi nakilalang kawatan ang ilang mahahalagang dokumento, mga ATM card, mga ID, sling bag na may P65,000 mula sa Toyota Vios (AAB-7706) ni Andog, habang nalimas naman ang mga gamit ni San Gabriel mula sa kanyang Honda City (BKA-671). (Light A. Nolasco)