MARIING kinondena ni Pope Francis sa kanyang Easter Message noong Linggo ang mga mapaniil na gobyerno o rehimen na tandisang patama sa mga diktador na umaapi sa kanilang mga kababayan. Bagamat hindi tinukoy, maliwanag na ang pagkondena ng Santo Papa ay patama sa ilang bansa sa mundo na ngayon ay ginigiyagis ng digmaan at paniniil, tulad ng Syria at North Korea.
Hiniiling niya sa mga makapangyarihang lider ng daigdig, gaya nina US Pres. Donald Trump, Russian Pres. Vladimir Putin at Chinese Pres. Xi Jinping, na pigilan ang paglaganap ng hidwaan sa harap ng matinding tensiyon na umiiral ngayon sa North Korea at Syria. May nagaganap ding karahasan at labanan sa Lebanon, Libya, Yemen, Turkey at Israel.
Bagamat hindi niya pinangalanan sinaTrump, Putin at Jinping at maging ang mga diktador na sina Kim Jong-un ng North Korea at Syrian Pres. Assad, kasama sila sa mga leader na tinawagang kumilos upang matigil ang paglaganap ng karahasan, digmaan. Samantala, partikular na kinondena ng Santo Papa ang pagbomba sa isang Syrian bus convoy na kinalululanan ng mga refugee na ikinamatay ng 112 tao.
Sa kanyang Urbi et Orbi message (to the city and the world) na inihayag ni Lolo Kiko sa balkonahe ng St. Peter’s Basilica sa Rome na noong 2003 ay una siyang lumitaw bilang bagong Santo Papa, sinabi niya na ang Diyos ay kasamang lumalakad ng mga refugee na puwersahang lumilisan sa tinubuong-lupa bunsod ng digmaan, pagsalakay ng mga terorista, kagutuman at ng “oppressive regimes.”
Hindi niya nabanggit ang Pilipinas na ngayon ay namimilipit sa mga patayan dahil sa giyera sa illegal drugs, mga sagupaan ng NPA at tropa ng gobyerno, pagdukot at pagpugot sa ulo ng mga bihag na hindi makapagbigay ng milyun-milyong ransom na hinihingi ng bandidong Abu Sayyaf Group.
Kung noong panahon ni ex-Pres. Noynoy Aquino ay may tinatawag na “Aquinomics”, ngayon namang panahon ni President Rodrigo Roa Duterte ay mayroong “Dutertenomics”. Noon, ang Aquinomics daw ay naglagay sa Pilipinas bilang “Asia’s rising star”, ang Dutertenomics naman ay nakikita bilang “Golden age of infrastructure.” Sinabi ng Dept. of Finance na magkakaroon ng isang forum tungkol sa Dutertenomics at sa 10-point socio-economic agenda ng administrasyon, na ang layunin ay mapababa ang insidente ng kahirapan sa 14 porsiyento sa 2022 mula sa 21.6 porsiyento noong 2015.
Ngayong tag-araw, usung-uso ang pagpapatuli ng kabataang Pilipino. May babala ang mga eksperto sa kalusugan na delikado para sa mga batang lalaki na magpatuli sa pamamagitan ng “traditional circumcision”, na ginagamitan lang ng matalas na labaha o lanseta. Sinabi ni Dr. Katha Ngo, specialist ng Manila Medical Center -Infectious Diseases, na mapanganib ang tradisyunal na pagpapatuli kumpara sa gawa sa pagamutan.
Sabi ng espesyalista: “Ano mang impeksiyon na hindi nagamot ay nauuwi sa mas malubhang impeksiyon na posibleng ikamatay.” Isa raw sa senyales ng malubhang impeksiyon ay iyong tinatawag na PANGANGAMATIS o labis na pamamaga at pamumula ng ari ng batang lalaki. Dagdag pa: “Surgical removal of foreskin covering the tip of the penis is a must.”
Siyanga pala, hindi ba mismong si Mano Digong ang umamin na siya ay nagtungo sa Fuda Medical Center sa China upang “ipaayos” ang hindi raw tamang pagtuli sa kanya? Tugon niya ito sa alegasyon ni ex-Sen. Francisco Tatad na nagtungo siya sa China dahil siya ay may cancer. (Bert de Guzman)