Napatay ng mga pulis ang isa umanong drug personality na isinasangkot sa pagpatay sa isang tulak ng ilegal na droga habang sugatan naman ang isang alagad ng batas sa operasyon sa Taguig City, kahapon ng madaling araw.

Tadtad ng tama ng bala sa katawan si Norodin Mamalinta, alyas Nolds, na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Samantala, isinugod naman si Police Officer 1 Mark Anthony Budao, nakatalaga sa Western Bicutan Police Community Precinct (PCP-1), sa Saint Luke’s Hospital sa Bonifacio Global City (BGC) makaraang madaplisan ng bala. Nasa maayos na siyang kondisyon.

Base sa inisyal na imbestigasyon, dakong 4:50 ng umaga, ikinasa ng mga tauhan ng PCP-1 ang anti-illegal drugs operation sa Purok 9, PNR Site sa Western Bicutan at nakaengkuwentro nila si Mamalinta.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

“A brief chase ensued when the suspect fired (towards) the PNP personnel hitting P01 Budao,” base sa ulat.

Napilitan ang awtoridad na magpaputok at kanilang napatay si Mamalinta.

Walang nakuhang droga mula kay Mamalinta ngunit ayon sa pulis siya ay isang drug personality, base sa inisyal na ulat.

Inaalam pa kung kabilang sa drug watch list si Mamalinta.

Gayunman, isa si Mamalinta sa dalawang suspek na isinasangkot sa pagpatay sa tulak na si Rufo Daro, 51, nitong nakaraang Linggo, ayon kay Superintendent Jenny Tecson, Southern Police District chief information officer.

“Yes, he is the same person who killed Rufo Daro, a drug personality. Motive behind the killing is still under investigation,” ani Tecson. (Martin A. Sadongdong at Bella Gamotea)