KASUNOD ng dalawang mapaminsalang air strike sa Syria at Afghanistan, binago ng Amerika, sa ilalim ng pamumuno ni President Donald Trump, ang pagkakakilala ng mundo rito bilang isang makapangyarihang impluwensiya na nag-aalinlangang masangkot sa mga alitan at karahasan na pinoproblema ng maraming bansa sa kasalukuyan.
Ang una ay ang pagpapaulan ng missile sa unang bahagi ng buwang ito na nagwasak sa isang airbase ng Syria na pinanggalingan ng mga eroplanong Syrian na umatake sa isang bayang nakukubkob ng mga rebelde gamit ang chemical weapons na nagdulot ng pagkasawi ng 86 na sibilyan, kabilang ang 27 bata. Ang gobyernong Syrian “crossed a red line” sa paggamit nito ng poison gas, ayon kay President Trump, at kahit pa walang pahintulot ng US Congress, inutusan niya ang dalawang US destroyer na nakaistasyon sa Mediterranean Sea na magpaulan ng 59 na cruise missile sa airbase.
Sa ikalawa, nagpakawala ng dambuhalang bomba ang US Air Force sa magkakaugnay na mga kuweba at tunnel na ginagamit ng Islamic State sa silangang Afghanistan noong nakaraang linggo, gamit ang pinakamalaking non-nuclear bomb ng Amerika.
May 11 tonelada ng bomba sa isang bagsakan, ang Massive Ordinance Air Blast Weapon ay tinaguriang “mother of all bombs” — ng mga non-nuclear bomb.
Ang hinalinhan ni President Trump, si President Barrack Obama, ay nagpatupad ng ibang polisiya sa nakalipas na mga taon. Nais niyang wakasan ang pakikialam ng Amerika sa mga digmaan sa Iraq at Afghanistan. Pinauwi pa nga niya ang mga sundalong Amerikano na itinalaga sa dalawang nabanggit na bansa.
Mistulang sinusunod noon ng Amerika ang kaparehong polisiya sa Asia, tumatangging makialam sa mga alitan, gaya sa South China Sea. Minsan nang itinanong ng ating Pangulong Duterte ang Amerika kung bakit wala itong ginawa nang magsimulang magtayo ng mga artipisyal na isla ang China sa ilang bahaging inaangkin nito sa karagatan.
Ngunit—kung pagbabasehan ang pambobomba kamakailan sa Syria at Afghanistan—ito ay nakalipas na. Nagpadala na rin si President Trump ng naval attack force, sa pangunguna ng carrier na USS Carl Vinzon, sa East China Sea upang makiisa sa South Korea at Japan sa mga pagsasanay ng sandatahan ng mga ito malapit sa North Korea. Ilang beses nang sinubukan ng bansang ito ang mga pag-aaring nuclear warhead at long-distance missile, na kinondena ng United Nations Security Council, at paulit-ulit na nagyabang na makukumpleto na ang missile nito na aabot sa pusod ng Amerika.
Nagkausap sina Trump at China President Xi Jinping, at hiniling ng una ang tulong ng China upang mapigilan ang kaalyado nitong North Korea. Ngunit sakaling hindi makatutulong ang China, sinabi ni Trump na handa ang Amerika na gawin ang nararapat kahit mag-isa.
Noong nakaraang taon, maaari itong ikonsidera bilang simpleng bantab lamang mula sa Amerika. Ngunit iba na ngayon.
Hindi nagdalawang-isip si Trump na wasakin ang Syrian airbase at ang magkakaugnay na tunnel ng Afghanistan. Mistulang wala rin siyang alinlangan na sirain ang mga missile at nuclear bomb test site ng North Korea, na tiyak na tukoy na ng mga satellite nito.
Bagamat patuloy tayong umaasa na masusumpungan ang isang mapayapang kasunduan sa alitang ito, sa tulong ng China, marapat na maging handa tayo sakaling magpasya ang Amerika, kasunod ng pambobomba nito sa Syria at Afghanistan, na kumilos na rin sa bahaging natin ito sa mundo, partikular kung tugunan na nito ang aktuwal at paulit-ulit na bantang nukleyar ng pamahalaan ng North Korea.