MAKAKABILANG ang Dragon Boat race sa serye ng mga aktibidad na inaabangan para sa “Kadaugan sa Mactan (Victory in Mactan) Festival” na magsisimula sa Lunes at magtatapos sa Abril 30, ayon sa mga organizer.

Inihayag ni Lapu-Lapu City acting Vice Mayor Harry Don Radaza na idaraos ang Dragon Boat race simula sa Abril 28 hanggang sa Abril 30 sa Mactan Channel.

Sinabi pa ni Radaza na may 80 bangka mula sa 37 grupo at mga kalahok na dayuhan ang nagkumpirmang lalahok sa karera.

Dagdag pa ni Radaza, may kabuuang 60 aktibidad ang inaasahan sa Kadaugan sa Mactan Festival, ngunit walang isasarang daan sa Lapu-Lapu City dahil magaganap ang mga event sa anim na magkakaibang lugar sa lungsod.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Kabilang sa pagdarausan ang Lapu-Lapu City Hall grounds, Hoops Dome area, ang MEPZ Soccer Field, ang Cebu Yacht Club at Kasamahan Wharf, ang City Auditorium at ang Liberty Shrine.

Inilahad din ni Radaza na idaraos ang Kadaugan Street Party sa Hoops Dome sa Abril 21-29, at itatampok ang “Rampada”, isang Brazilian style street dancing competition.

May P2 milyon na papremyo ang naghihintay sa mga mananalo sa siyam na grupong kalahok sa bawat Barangay at Open categories, aniya.

Sinabi ni Lapu-Lapu City Tourism Officer Hembler Mendoza na nasa 51 hotel at restaurant sa lungsod ang makikilahok sa food festival kung saan mabibili ang mga pagkain, inumin, at panghimagas sa mas murang halaga kumpara sa mga nabibili sa kanilang establisiyemento.

Magiging pinakatampok sa festival, ayon kay Mendoza, ang Kadaugan sa Mactan, ang pagsasabuhay ng Battle of Mactan noong Abril 27, 1521 sa pagitan ni Datu Lapu-Lapu at ni Ferdinand Magellan, na idaraos sa Abril 30.

Gaganap na Magellan, ang pinatay sa labanan, si James Ryan Cesena, kalahok ng Pinoy Boy Band Superstar mula sa California.

Habang gaganap namang Datu Lapu-Lapu si Tony Labrusca, finalist ng Pinoy Boy Band Superstar ng ABS-CBN. Samantala, si Kris Bernal naman ang gaganap na Reyna Bulakna, reyna ni Lapu-Lapu, ayon kay Mendoza. (PNA)