SINABIHAN ng World Boxing Association Championships Committee si WBA minimumweight champion Thammanoon Niyomtrong o Knockout CP Freshmart ng Thailand na idepensa ang kanyang korona sa matagal nang No. 1 contender na si Rey Loreto ng Pilipinas.

“In WBA rule 11, it states that every champion must defend his title every 9 months. In the case, Niyontrong made his last mandatory defense on June 29, 2016 and his mandatory defense period has been overdue since March 28, 2017,” ayon sa ulat ng BoxingScene.com. “WBA rule C-13 states that when the mandatory period elapses the champion cannot defend his title against any boxer other than his mandatory challenger.”

Matagal nang iniiwasan ng mga kampeong pandaigdig si Loreto mula nang patulugin ng Pilipino si dating world champion Nkosinathi Joyi ng South Africa sa 3rd round para matamo ang IBO light flyweight title sa Monte Carlo, Monaco noong Pebrero 1, 2014.

Pero bago ito, madalas lumaban sa Thailand si Loreto at kabilang sa mga nabiktima niya sina one-time world title challenger Wisanu Kokietgym na pinatulog niya sa 6th round para matamo ang PABA light flyweight crown at dating WBA minimumweight champion Pornsawan Porpramook na napatigil niya sa 10th round.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

May rekord si Niyonrong na perpektong 15-0, kabilang ang pito sa pamamagitan ng knockout, pero lahat ng laban niya ay sa Thailand. Natamo niya ang WBA minimumweight title nang talunin sa puntos si Nicaragua Byron Rojas at naipagtanggol ito kina Shin Ono at Go Odaira, kapwa ng Japan.

Ayon sa WBA, kapag hindi nagkasundo sa negosasyon sina Niyonrong at Loreto sa loob ng 30 araw ay mapipilitan ang Championships Committee sa isang purse bid.

May rekord si Loreto na 23-13-0, kabilang ang 15 panalo sa knockout. (Gilbert Espeña)