TACURONG CITY, Sultan Kudarat – Labing-anim na katao, kabilang ang tatlong pulis at tatlong sundalo, ang nasugatan sa magkasunod na pagsabog sa Barangay New Isabela sa Tacurong City, Sultan Kudarat nitong Lunes ng gabi.

Naaresto naman ng Tacurong City Police sina Warren Gani y Kansi, alyas “Gayak”, 18, binata; at Johari Gani, 26, alyas “Bawang”, “Udtang”, at “Baliwan”, na parehong nagsabi umano na kasapi sila ng 106th Base Command ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), sa ilalim ng isang “Kumander Tony Takubungan”. Nakumpiska umano mula sa mga suspek ang dalawang fragmentation grenade, na itinanggi ng mga itong pag-aari nila.

Kabilang sa mga nasugatan na sina PO1 Eleazar Sustiguer, SPO2 Jasper Garcia at PO2 Gérard Martin San Pedro; Army Sgt. Logen Presaldo, 42, ng 26th MICO ng 6MIB; SSgt. Ramil Garde; at Pfc. Alvin Jimenez, 44 anyos.

Sugatan din sina Saulito Manoy, 47, barangay tanod; Danica Ilaballaran, 14, ng Bgy. San Pablo; Reymart del Rosario, 21, ng Bgy. Calean; Joseph Liba, 33, driver, ng Bgy. San Pablo; Leo Cueva, 34, guro, ng Tantangan, South Cotabato; Roger Bamo, 47, ambulance driver; Richard Pineda, 36, kapwa ng Bgy. New Isabela; Micheal Pon; Ballandra Dawika; at Ryan Omar Ali, 27, ng Bgy. Poblacion, Tacurong City.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Ayon sa report, bandang 6:45 ng gabi nang mangyari ang unang pagsabog sa restroom ng Dragon Mall sa Purok Ilang-Ilang sa Bgy. New Isabela, na sinundan ng isa pang pagsabog malapit sa isang nakaparadang sasakyan.

Hanggang sa sinusulat ang balitang ito ay wala pang grupong umaako sa kambal na pagsabog. (Leo Diaz at Fer Taboy)