ZAMBOANGA CITY – Labing-anim na katao, kabilang ang isang pulis, ang nasugatan makaraang mawalan ng preno at bumangga sa bakod ang sinasakyan nilang 6x6 truck ng Philippine National Police (PNP) matapos silang magtungo sa lamay ng isang pulis na nasawi sa shootout sa Sibuco, Zamboanga del Norte.
Ayon kay Senior Insp. Helen Galvez, information officer ng Zamboanga City Police Office, dakong 4:45 ng hapon nitong Abril 12 nang bumangga sa bakod ang PNP truck na minamaneho ni PO2 Tarabi Fernandez, ng Zamboanga City Public Safety Company, sa Barangay Labuan, Sibuco.
Batay sa police report, nawalan ng preno ang truck hanggang sa tuluy-tuloy itong bumangga sa isang bakod.
Sinabi ni Galvez na kagagaling lang ng mga pasahero sa lamay ni PO3 Zaide Pronto Tutuan sa Bgy. Jatian sa Sibuco.
Nasawi si Tutuan nang barilin sa ulo sa isang drug bust sa Bilang-Bilang Island sa Mercedes noong nakaraang linggo.
(Nonoy E. Lacson)