pba copy

MULA sa matikas na simula, bumulusok ang Star Hotshots sa kalagitnaan ng 2017 Commissioner’s Cup sa natamong magkasunod na kabiguan, pinakahuli sa kamay ng San Miguel Beermen, 103-97, nitong Linggo.

Ngunit, hindi ang kabiguan ang pangunahing bumabagabag kay Hotshots coach Chito Victolero.

Inamin ng 41-anyos na tactician na nangangamba siya sa humahabang listahan ng mga players na nasa injury list.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

“Of course! Very alarming ‘yun kasi ilan na lang players ko,” ani Victolero.

Dahil sa dumaraming bilang ng injured na ngayo’y umabot na sa tatlo, apektado ang ensayo ng Hotshots, ayon kay Victolero.

Bago ang kanilang laban, sina Gilas forward Marc Pingris na may iniindang injury sa balakang at ang high-leaping guard na si Justin Melton na may hamstring injury ang hindi nakakapaglaro.

Ngunit, pagkatapos ng laban nila ng Beermen,nadagdagan pa sila ng isa nang magtamo ng nasal fracture si Aldrech Reyes matapos na aksidenteng tamaan ni SMB import Charles Rhodes.

Kaya naman inaasahan na ni Victolero na magiging mas mahirap ang mga susunod nilang mga laro.

Dahil dito, nais ng Star mentor na mag-step-up ang mga nalalabi nilang local players para sa sapat na suportang kinakailangan ni import Tony Mitchell..

“Siguro kailangan lang namin mag-focus sa practice. Lalo na yung mga natitirang players, kailangan mag-step up siguro,” wika ni Victolero. (Marivic Awitan)