Inamin kahapon ng New People’s Army (NPA) ang pagpatay kay Gilbert Baaco, ang hepe ng Palawan Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) nitong Biyernes Santo.
Tumatayong right-hand man ni Gov. Jose Alvarez, binaril at napatay si Baaco ng dalawang armadong babae sa kanyang bahay sa Barangay Barong-Barong sa Brooke’s Point, Palawan.
Ayon sa biyuda ng opisyal na si Maria Victoria Baaco, dalawang babaeng nakasuot ng camouflage uniform ang bumaril at pumatay sa kanyang asawa, at kinuha rin umano ng mga ito ang baril ng opisyal.
Samantala, iniulat ng militar sa Lucena City, Quezon na tatlong miyembro ng NPA ang napatay sa engkuwentro sa Bgy. San Antonio sa Milagros, Masbate nitong Sabado de Gloria.
Ayon sa mga ulat ng Southern Luzon Command (SolCom), hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan ng mga napatay na rebelde, na nasamsaman ng mga M16 at M14 rifle, shotgun, mga bala, at mga improvised explosive device (IED), ayon kay Col. Greg Almerol, commander ng 2nd Infantry Battalion ng Philippine Army.
Batay sa mga nakalap na report, nasa lugar ang mga armadong rebelde upang mangolekta umano ng revolutionary tax sa mga residente. (Fer Taboy at Danny Estacio)